by PIO Los Baños February 8, 2021 LOS BAÑOS, Quezon – Kasabay ng ika-31 selebrasyon ng Buwan ng Talaang Sibil o Civil Registration Month nga...
February 8, 2021
LOS BAÑOS, Quezon – Kasabay ng ika-31 selebrasyon ng Buwan ng Talaang Sibil o Civil Registration Month ngayong Pebrero, masayang ibinalita ng Local Civil Registry (LCR) ng bayang ito na maaari nang ma-access ang ilan sa mga serbisyo ng ahensya sa pamamagitan ng bagong lunsad na website nito.
Maaari nang maaccess online ang ilan sa serbisyo ng LCR LB at iba pang mahahalagang impormasyon sa bagong website nito na maaaring bisitahin sa https://lcro-lb.com/ .
“Ang ating website ay phase by phase po ang implementation niyan. Ang active ngayong mga module ay request for transcription of facts of birth at iyong request for certified copy,” paliwanag ni LCR Officer Glenn Arieta.
Kasama sa mga serbisyong pwede na nilang gawin online ay ang pag-request ng transcription of facts of birth at certified true copy ng birth, marriage at death certificate. Aniya naisagawa na nila ang digital scanning ng mga certified copy para sa mga dokumento mula 1958 hanggang 2017 na katumbas ng 57 porsiyento ng kabuuang kopyang dapat nilang gawin.
Maaari nang mag-request sa website ng mga nabanggit na dokumento gamit ang computer, cellphone at iba pang digital device para pagpunta sa Munisipyo ay ipri-print na lamang ang kanilang request. Kailangan lamang na ipakita ang resibo para makuha ang dokumento matapos ma-evaluate ang mga suportang dokumento sa LCR at makapagbayad ng fee sa Treasury Office.
Mayroon rin silang Inquiry Chatbox sa website kung saan maaaring makausap ng direkta ang naatasang kawani ng opisina na sumagot sa mga katanungan.
Sakali namang dumating na ang araw na fully operational na ang website at ang mga transaksyon ay di na lamang limitado sa pagkuha ng transcription at certified copy, ipinaliwanag ni Arieta na sa pamamagitan ng bagong sistema mula sa anim na minuto ay aabutin na lamang aniya ng tatlong minuto o mas mabilis pa ang pagkuha ng lahat dokumento sa kanilang ahensya.
Ito ay alinsunod na rin aniya sa Republic Act No. 9485 na kilala rin sa tawag na “Anti-Red Tape Act (ARTA)” na naamyenda bilang Republic Act No. 11032 at tinatawag na ngayong “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018.”
Nilinaw ng LCR Officer na maaaring hindi umabot sa isandaang porsiyento ang pagiging online ng transaksyon sa kanilang opisina dahil may mga proseso talaga na dapat na gawin sa manual at personal na paraan.
Dagdag pa niya, kapag naging fully operational na ang lahat ng transaksyon na pwedeng gawin sa website ay plano rin ng opisina na magkaroon ng sistema para sa online banking payment.
Sinabi naman ni Joy Bautista ng LCR LB na isa sa mga nag-dedevelop sa naturang website, sunod nilang prayoridad na i-enable sa website ang delayed registration para mairequest na rin ito ng mga mamamayan sa online platform.
Target umano nilang maiayos ang online request ng delayed registration bago idaos ang ikalawang bahagi ng pagbibigay ng libreng delayed registration sa taong ito sa buwan ng Oktubre.
Inanunsyo naman ni LCR Officer Arieta na bagaman ang 100 slot para sa free delayed registration sa bayan ng Los Baños ngayong buwan ng Pebrero ay napuno na, magkakaroon pa rin umano ng free delayed registration na bukas para naman sa 200 kwalipikadong indibidwal sa buwan ng Oktubre 2021.
No comments