by Bhaby De Castro March 30, 2021 Pagdiriwang ng 2021 National Women's Month c...
March 30, 2021
Pagdiriwang ng 2021 National Women's Month celebration |
LUNGSOD NG BATANGAS - Pamamahagi ng financial assistance at pagbibigay ng Gawad Parangal ang naging tampok ng pagdiriwang ng 2021 National Women's Month celebration sa lungsod na ito noong Marso 8.
May 27 kababaihan mula sa ibat-ibang barangay sa lungsod ang tumanggap ng financial assistance na nagkakahalaga ng P5,000 mula sa Kalipunan ng Liping Pilipina (KALIPI) upang magamit nila sa kanilang pangangailangang medikal.
Limang (5) samahan naman ng kababaihan ang nabigyan ng Gawad Parangal dahilan sa ipinakitang pagkakaisa at pagtutulungan sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaang lungsod sa kanilang komunidad.
Kabilang sa mga barangay na pinarangalan ang Barangay Conde Labac, Tigga Itaas, Barangay 24, Bolbok at Talahib Pandayan.
Sa taong ito, ang tema ng pagdiriwang ay “Juana Laban sa Pandemya, Kaya!”
Nauna na dito, isang banal na misa ang isinagawa sa Basilica ng Immaculada Concepcion na dinaluhan ng ibat-ibang grupo ng mga kababaihan at pinangasiwaan ng City Social Welfare & Development Office (CSWDO).
Kaugnay pa din ng selebrasyon, isang virtual meeting ang isinagawa na nilahukan ng humigit kumulang sa 80 katao.
Nagkaroon ng virtual training for hand sanitizing kung saan ibinahagi ni Susan Lascieras ng Home Extension Division ng Office of the City Veterinary and Agricultural Services (OCVAS) ang paggawa ng hand sanitizer na maaaring pagkakakitaan ng mga kababaihan kahit sila ay nasa bahay lamang.
Mahahalagang impormasyon hinggil sa mga batas at karapatan ng mga kababaihan naman ang tinalakay ni CSWD Officer Mila Espanola kung saan binigyang diin niya ang malaking tulong at suportang ipinagkakaloob ni Mayor Beverley Dimacuha sa mga programang ipinatutupad para sa kapakanan at pagpapabuti ng kalagayan ng mga kababaihan. (Bhaby P. De Castro-PIA Batangas / PIO Batangas City)
No comments