by PIO Lucena/K.Monfero April 17, 2021 DepED Schools Division Office of Lucena Cit...
April 17, 2021
DepED Schools Division Office of Lucena City building |
LUCENA CITY - Sinimulan na ng mga paaralan sa lungsod noong nakaraang buwan ng Marso ang early registration para sa school year 2021-2022 na inaasahang magtatapos sa ika-30 ng Abril sa kasalukuyang taon.
Ito ay matapos na ipagpaliban ang naunang atas ng Department of Education na isagawa ito noong nakaraang buwan ng Enero at Pebrero.
Ang maagang pagpaparehistro aniya ng mga estudyante ay upang matiyak na naka-rehistro na ang mga ito para sa susunod na taon ng pag-aaral at upang matulungan ang DepEd na malaman ang bilang ng mga papasok sa grades 1, 7, at 11.
Samantala, ang mga nasa grades 2 hanggang 6, 8 hanggang 10 at 12 ay itinuturing na pre-registered na at hindi kinakailangan pang makiisa sa maagang pagpaparehistro.
Kaugnay nito, nanawagan naman ni Schools Division Superintendent Dr. Hermogenes Panganiban sa mga magulang o tagapag-alaga ng mga kabataang mag-aaral.
Aniya, mangyaring magtungo lang sa paaralan o kung saan nilang nais irehistro ang kanilang mga anak kung pinapayagan ang pagkakaroon ng personal na pagpaparehistro sa kanilang lugar habang ang iba naman ay maaaring magparehistro sa online o sa pamamagitan ng pagtawag sa paaralan.
Nagbigay paalala rin naman si Panganiban sa mga magulang na magtutungo sa mga eskwelahan na mag-ingat at panatilihin ang pagsunod sa mga safety health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.
Bagama’t mayroong pandemya, nagpapasalamat pa rin si Panganiban sa mga guro na kanilang katuwang sa pag-gabay at pag-alalay sa mga kabataang Lucenahin dahil isang simbolo lang aniya ito na pinapahalagahan ng bawat isa ang edukasyon tungo sa magandang kinabukasan ng mga kabataang mag-aaral.
No comments