by PIO Lucena/Josa Cruzat April 2, 2021 Bagong TUPAD katuwang ang solid waste mana...
April 2, 2021
Bagong TUPAD katuwang ang solid waste management division. (Photo from Marek Tabernilla) |
LUCENA CITY - Nagsimula nang tumupad sa kanilang tungkulin ang mga bagong Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD nitong ika-25 ng Marso, araw ng Huwebes.
Sa unang araw ng pagtupad, ay nagkaroon ng kick-off sabayang linis at koleksyon ng mga basura sa tatlumpu’t tatlong barangay at pangunahing kalsada sa buong Lungsod na siyang pinangunahan ng mga bagong TUPAD katuwang ang solid waste management division, mga punong barangay at kagawad ng mga ito, at ilan pang mga volunteers.
Habang sa ikalawang araw naman ng kanilang paglilinis ay tumungo ang mga ito sa mga kalsada ng Barangay Dalahican, Barangay Ibabang Dupay, at Barangay Mayao Crossing.
Matatandaang bago ang pagtupad sa kanilang tungkulin ay sumailalim muna ang mga ito sa isang oryentasyon kung saan ay ipinaliwanag ang kabuuang proseso ng kanilang pagseserbisyo katuwang ang Solid Waste Management Division sa ilalim ng City General Services Office sa pamumuno ng hepe nito na si Ms. Alyssa Mijares.
Sa naturang oryentasyon na siyang pinangunahan ng hepe ng Public Employment Service Office o PESO na si Ms. Cristina Encina at ng mga kinatawan mula sa DOLE, binigyang pahayag nito na ia-assign ang mga bagong TUPAD bilang sweepers, collectors, at eco police sa buong Lungsod sa loob ng sampung araw.
Maliban dito ay ipinaliwanag din sa mga ito ang limitasyon at proteksyon nila habang sila ay nasa kanilang pagTUPAD dahil may kani-kaniyang proseso ang mga ito base sa alituntunin ng Department of Labor and Employment.
Lubos naman ang naging pasasalamat ng mga Lucenahing TUPAD dahil sa pagkakataon na ibinigay ng mga ito sa kanila na tiyak naman aniyang makatutulong sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Nagpaabot din naman ng pasasalamat ang lokal na pamahalaan sa mabuting loob na paglaan ni Senator Joel Villanueva ng pondo na nagkakahalaga ng limandaang libong piso para maging matagumpay ang paglunsad ng bagong batch ng TUPAD.
Samantala, inaasahan ng pamahalang panlungsod na magiging kaisa ang mga bagong TUPAD sa kampanya sa pagsulong ng kalinisan sa buong Lucena sa loob ng sampung araw na kanilang pagbibigay serbisyo.
No comments