by PIO Lucena/ Josa Cruzat April 10, 2021 Lucena PNP (Photo from PIO Luce...
April 10, 2021
Lucena PNP (Photo from PIO Lucena) |
LUCENA CITY - Ipinababtid ng Lucena PNP at ng pamunuan ng Pamilihang Panlungsod na patuloy ang kanilang ipinatutupad na one entry, one exit point concept sa naturang palengke.
Ito ay matapos na magluwag ang pagpapapasok sa loob ng naturang lugar nitong mapailalim ang lungsod sa Modified General Community Quarantine o MGCQ.
Kaya naman ngayong mag-umpisang dumami ulit ang kaso ng covid-19 sa NCR Plus at sa takot na magsiuwian sa lungsod ang mga magmumula sa naturang mga lugar ay muling naghigpit ang pamunuan ng pamilihan pagdating sa paglalabas pasok ng mga mamimili rito.
Ito ay kaugnay parin sa mahigpit na pagpapatupad ng health protocols sa lungsod bilang pagtalima na rin sa atas ng Local Inter-Agency Task Force.
Binigyang diin ng mga ito na magpapatuloy ang pagpapatupad ng naturang konsepto kung saan ay may nag-iisang entry point ang pamilihan na siyang makikita sa harapan habang ang nag-iisang exit point ay makikita naman sa may bandang likuran nito.
Sa pamamagitan ng ganitong uri ng konsepto ay naniniwala ang kwerpo ng kapulisan ng Lungsod sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Romulo Albacea at Mall Market Administrator Noel Palomar na makaiiwas ang mga tutungong mamimili kasama na ang mga maninindahan sa banta virus gayundin upang mapigilan ang paglaganap nito.
Kaugnay nito, nagpapatuloy naman ang mahigpit na pag-iimplimenta sa public market ng City Ordinance No. 2729 kung saan ay kinakailangang magsuot ng face mask at mag-oberba ng physical distancing sa pampublikong lugar at City Ordinance No. 2728 na siyang nagpapabawal na pagdidiscriminate sa mga indibidwal na positibo sa covid-19.
Maliban naman dito ay patuloy parin ang pagpapatrolya ng kapulisan sa loob at labas ng naturang pamilihan upang matiyak ang pagsunod ng nakararami.
Samantala, humihingi naman ang kapulisan at ang pamunuan ng Public Market ng pang-unawa at kooperasyon ng bawat isa sa pagsunod sa one entry, one exit point concept na ito upang malabanan ang pandemya.
No comments