by PIO Lucena/ Josa Cruzat April 17, 2021 LUCENA CITY - Dahil sa pagsasailalim ng Lungsod ng Lucena sa General Community Quarantine, mas mah...
April 17, 2021
LUCENA CITY - Dahil sa pagsasailalim ng Lungsod ng Lucena sa General Community Quarantine, mas mahigpit ngayon ang isinasagawang diyalogo, inspeksyon, at roving patrol ng PNP Lucena sa mga pampublikong transportasyon sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Romulo Albacea.
Kaugnay nito kamakailan ay binisita ng kwerpo ng kapulisan ang Grand Central Terminal sa bahagi ng Barangay Ilayang Dupay upang doon magsagawa ng pag-iinspeksyon.
Dito ay pangunahing tinitingnan ng mga ito kung patuloy na tumatalima ang lahat sa atas ng Local IATF na safety protocols laban sa covid-19.
Bukod dito ay mahigpit na pinaaalalahanan din ang mga pasahero at operator ng pampublikong transportasyon sa pitong kautusan na kinakailangang sundin ng mga ito: pagsusuout ng face mask at faceshield; pagpapabawal sa pagsasalita, pakikipag-usap o pagsagot ng telepono sa loob ng sasakyan gayundin ang pagpapabawal sa pagkain doon.
Para naman sa mga operator kinakailangang may maayos na sirkulasyon ng hangin sa loob ng sasakyan; magsagawa ng paglilinis sa pagitan ng mga biyahe; pagpapabawal sa pagsakay ng indibidwal na mayroong sintomas ng covid-19; at ang pagsunod sa nakatakdang layo sa isa’t-isa sa pamamagitan ng barrier.
Pahayag ng pamunuan ng pulisya, magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagmamando lalo’t higit sa mga pampublikong transportasyon na siyang kinakailangan bantayan at siguruhin ang kaligtasan ng bawat isa upang matiyak ang hindi paglaganap ng sakit.
Samantala bukod dito, ipinababatid pa ng kwerpo ng kapulisan na kanilang ibinalik ang mga Quarantine Control Point o ang mga Checkpoints na kung saan ay 24 hrs na ipinapatupad ang pagmomonitor ng lahat ng uri ng transportasyon na kung saan ang mga ito ay kinakailangang nasa 50% operational capacity lamang.
No comments