by PIO Lucena/Josa Cruzat May 6, 2021 Barangay Market View sa Lupon Tagapamayapa Incentives Awards 2021. (Photo from Sangguniang Barangay Ma...
May 6, 2021
Barangay Market View sa Lupon Tagapamayapa Incentives Awards 2021. (Photo from Sangguniang Barangay MarketView Lucena) |
LUCENA CITY - Hinirang na kampyon ang Barangay Market View sa Lupon Tagapamayapa Incentives Awards 2021 sa buong lungsod.
Dahil sa mahusay na pagpapatakbo ng kanilang Katarungang Pambarangay katulad na lamang ng tamang pagbabalangkas ng mga hakbang at pamamaraan sa pag-settle ng mga reklamo, muling iginawad sa naturang barangay ang unang puwesto sa nabanggit ng parangal.
Kaugnay nito buong kagalakang ipinagmamalaki ng Pamahalaang Pambarangay sa pangunguna ni Kapitan Edwin Napule ang kanilang Lupon Tagapamayapa at ang patas at walang kinikilingang Katarungang Pambarangay dahil sa muling pagsungkit ng ganitong uri ng karangalan.
Magugunitang simula taong 2014 hanggang 2019 ay sunod-sunod ang naging panalo ng barangay sa buong lungsod at nito ngang taong 2018 ay hinirang ang Barangay Market View bilang Regional Winner Lupon Tagapamayapa Highly Urbanized Category sa ilalim ng pamumuno ni Napule.
Matapos naman ang naturang paggawad sa barangay ay agad ding sumailalim ang Lupon Tagapamayapa ng barangay sa pangunguna ni Napule sa Online Regional Validation para sa LTIA 2021.
Dito ay sumalang ang mga ito sa regional assessment bilang kinatawan ng lungsod sa kategoryang Highly Urbanized at Component Cities.
Kaugnay ng muling natamong parangal, magpapatuloy naman aniya ang maayos na pagpapatakbo ng Katarungan Pambarangay mula sa patuloy na pagsulong ng tamang pamamaraan nito gayundin sa maigting na ebalwasyon na ginagawa ng lupon sa kanilang isinasagawang buwanang pagpupulong.
Samantala, iginagawad ng DILG Lucena ang naturang parangal sa mga barangay na may pinakamagaling na programa na nakapaloob sa Barangay Justice System nito na siyang patas na lumulutas ng hindi pagkakaunawaan ng mga residente sa barangay na siyang malaking ambag sa pagpapanatili ng katahimikan at kapayapaan sa kanilang lugar.
Layunin din ng parangal na ito na mas palakasin pa ang Lupon Tagapamayapa ng bawat barangay sa Lungsod ng Lucena.
No comments