by PIO Lucena/Josa Cruzat May 14, 2021 City Anti-Drug Abuse Council ...
May 14, 2021
City Anti-Drug Abuse Council |
LUCENA CITY - Naging saksi ang City Anti-Drug Abuse Council sa pangunguna ni CADAC Supervising Head Francia Malabanan sa isinagawang programa kung saan ay tumanggap ng livelihood cash assistance ang tatlong Persons Who Use Drugs o PWUDs mula sa Barangay Ibabang Iyam.
Nakatanggap ang mga ito ng tig-lilimang libong piso na siyang kanilang magagamit bilang puhunan para makapag-hanapbuhay ng legal katuwang ang kanilang asawa.
Pahayag ni Malabanan, masayang makita na ang ilan sa mga PWUDs na sumailalim sa kanilang Programang Simula ng Pagbabago ay nagsisikap na makapag bagong buhay.
Aniya, huwag sanang sayangin ng mga ito ang tiwala na ibinibigay sa kanila lalo na ngayong panahon na may pandemya at marami ang hirap sa buhay kaya naman pinayuhan ni Malabanan ang mga ito na piliting maging matagumpay upang maging magandang ehemplo sa iba pang PWUDs.
Ang tulong pinansyal para sa pangkabuhayan na ito ay mula kay Kapitana Gina Sares ng Barangay Ibabang Iyam na siyang naglalayon na mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga PWUDs mula sa kanilang lugar na makapag bagong buhay sa pamamagitan ng pagpapahiram sa mga ito ng pera bilang puhunan.
Hangad lamang ni Sares na maging responsable ang mga benepisyaryong PWUDs sa pagpapalago ng ipinahiram na puhunan para maging inspirasyon sila ng iba pang katulad nila na magkaroon ng panibagong pag-asa sa buhay.
Sa kasalukuyan ay ang Barangay Ibabang Iyam pa lamang ang may livelihood cash assistance program sa mga PWUDs na mula sa kanilang lugar kaya naman kaugnay nito ay tunay na ipinagmamalaki ng CADAC ang pamahalaang pambarangay dahil ganito na lamang kasinsero ang mga ito na makatulong para sa pagbabago ng mga PWUDs.
No comments