by PIO Lucena/Josa Cruzat May 25, 2021 Bagong batch ng TUPAD LUCE...
May 25, 2021
Bagong batch ng TUPAD |
LUCENA CITY - Kabilang ang pitong Recovering Persons Who Use Drug o RPWUDs na nasa ilalim ng monitoring ng Lucena City Anti-Drug Abuse Office sa pangunguna ni CADAC Supervising Head Francia Malabanan sa bagong batch ng Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged/Displaced workers o TUPAD.
Ang bagong batch ng TUPAD na ito ay nasa ilalim ng Sangguniang Kabataan Federation ng Lucena City sa pangunguna ni Konsehal Patrick Nadera na siyang isa lamang sa dalawang pinalad na pagkalooban ng ganitong uri ng programa sa buong rehiyon ng Calabarzon.
Ang pitong RPWUDs ay kabilang sa maswerteng dalawandaang Lucenahin na nakiisa sa isinagawang oryentasyon para rito kamakailan na pinangunahan mismo ni Konsehal Nadera kasama ang iba pang opisyales ng SK katuwang ang Department of Labor and Employment Quezon at ng Public Employment Service Office Lucena sa pamamagitan ng hepe nito na si Ms. Cristina Encina.
Pahayag ng pamunuan ng CADAC sa pangunguna ni Malabanan, sumailalim sa masusing ebalwasyon at balidasyon ang mga isinumiteng pangalan ng RPWUDs sa Peso Lucena upang mapabilang sa DOLE TUPAD.
Malaking tulong din aniya ang programang ito para sa kabuhayan at pagbabagong buhay ng mga RPWUDs.
Bukod naman sa ganitong uri ng tulong at sa livelihood assistance na kanilang ibinibigay sa mga rpwuds sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga mabubuting sponsors, sinsisiguro pa ng CADAC na natuturuan ng ilang mga livelihood skills ang mga ito katulad ng paggagawa ng dishwashing liquid o kaya ay paggagawa ng basahan na siyang nangangailangan lamang ng munting puhunan at sa pamamagitan ng maayos na pangangasiwa rito ay mapapalago ng mga rpwuds upang kanilang maging kabuhayan.
Dagdag pa nito na ang pamahalaang panlungsod katuwang ang kanyang tanggapan ay patuloy na humahanap ng paraan upang matulungan ang mga rpwuds na nasa ilalim ng kanilang monitoring sa aspeto ng paghahanap ng mapagkakakitaan.
Samantala, inaasahan naman ng buong pamunuan ng CADAC at ni Malabanan na maging responsable ang pitong rpwuds na kabilang sa bagong batch ng DOLE TUPAD sa kanilang sampung araw na pagbibigay serbisyo sa lungsod.
No comments