by Henry Buzar June 8, 2021 Ang tag-ulan o “monsoon season” na nararanasan natin ay sanhi ng pagpasok ng panahon ng habagat o hanging nangg...
June 8, 2021
Ang tag-ulan o “monsoon season” na nararanasan natin ay sanhi ng pagpasok ng panahon ng habagat o hanging nanggagaling sa timog-kanluran (southwest). Ang hangin ay may direksyong South China Sea o Philippine West Sea papunta sa bansa at kapag Amihan naman ay galling sa Hilagang Silangang parte (northeast) o galing sa dagat Pacifico. (Para sa mga gustong malaman ang tamang direksyon: kapag itinuro mo ang sinisikatan ng araw (East) ng iyong kanang kamay, ang nasa kaliwa mo ay Hilaga (North), ang nasa likuran mo siempre ay nilulubugan ng araw (West) at ang likuran ng Norte naman ay Timog “South”).
Ang panahon ng tag-ulan ay nagsisimula sa buwan ng Mayo ngunit nakakaapekto ito sa pagitan ng mga buwan ng Hunyo-hanggang Oktubre. Dito rin tayo nagsisimulang makaranas ng malalakas na ulan at mga pagbaha. Ito rin ang mga buwan na ipinagdiriwang ng mga magsasaka sa Asia sapagkat dito na sila makapagsisimulang makapagtanim lalo na kung ang isang lugar ay depende lang sa ulan at walang pasilidad sa irigasyon.
Sa pagpasok ng tag-ulan (monsoon) nagsisimula rin ang panahon ng mga bagyong nararanasan sa Pilipinas at sa mga karatig-bansa. Ang pagsisimula ng tag-bagyo ay hindi magandang balita para sa lahat sapagkat aktibo pa rin ang coronavirus.
Sa Kerala, India na matatagpuan sa silangang bahagi ng bansa, halos dalawang bagyo kakaagad ang tumama. Ang bagyong Tauktae na tumama noong nakaraang linggo lamang ay kumitil ng 155 sa kanlurang bahagi ng India at ngayon naman ang bagyong Yaas ay nagdulot ng pwersahang paglilikas sa mga tao sa West Bengal at Odisha na umabot sa 1.2 milyong katao.
Kasabay nito ang patuloy na pananalasa ni Covid-19 at ang kanyang mga bagong strains na sa ngayon ay umabot na sa 27.4M na kaso ang naiulat kasabay ng 315K na namatay sa virus. Makikita natin ang problemang maaring maidulot nito sa India kung magsisiksikan ang mga tao sa mga evacuation centers kasabay ang paglutang ng mga mababaw na ibinaong mga namatay sa pandemya sa mga tabi ng ilog at karagatan.
Katulad ng nangyari sa Pilipinas noong 2020 kung saan ang mga bagyong katulad ni Ambo, Butchoy at si Vimco na ika-21 pumasok na bagyo sa ating bansa ay siguradong nakapagpalala din kahit papaano sa pandemya ng taon na iyon. Nitong taon lamang napakaaga ang pagpasok ng bagyo, nakapuslit na kakaagad si Auring at si Bising sa bansa.
Kinakailangang baguhin ng NDRRMC ang mga panuntunan upang maiwasan ang mabilis na pagkalat na muli ng mga bagong “variants” sa panahon ng tag-bagyo. Dapat nating ianalisa na ang Pilipinas ay isa sa mga bansa sa buong mundo na may mataas na araw-araw na pagtaas ng kaso ng Covid-19 at maaari pa nating malampasan ang Indonesia sa SEA.
Habang itinataas natin ang kopeta at pagbati sa pagbaba ng bilang sa NCR, mabilis din naman ang mga pagtaas sa Visaya at sa Mindanao na maaring maging trigger muli ng pagdami pa ng mga kaso sa kadahilanang hindi handa ang mga lugar na ito sa pagdagsa ng mga kaso.
Sa lalawigan ng Quezon at Lungsod ng Lucena, patuloy pa rin ang pagtaas ng mga kaso ng Covid-19. Hanggat hindi nagseseryoso ang mga tao at ang lokal na pamahalaan partikular ang mga tulog na barangay officials, maaring maging mapabilang na tayo sa mga lalawigang may malaking pagdagsa ng mga kaso ng coronavirus sa bansa.
Maaring kasabay nito sa pagsisimula ng tag-ulan ay paglalabasan ng iba pang mga sakit kagaya ng lagnat, sipon, dengue at malaria.
Patuloy tayong mag-ingat. Gumamit pa rin ng face masks at iba pang protocols upang mabawasan at masawata si Covid-19 kahit pa malamya ang local na pamahalaan sa pagkontrol nito. Nasa ating mga kamay ang ating kaligtasan.
No comments