by PIO Los Baños June 21, 2021 LOS BAÑOS, Laguna – Ang pamahalaang bayan ng Los Baños ay ipagdiriwang ang ika-47 buwan ng nutrisyon sa pamam...
June 21, 2021
LOS BAÑOS, Laguna – Ang pamahalaang bayan ng Los Baños ay ipagdiriwang ang ika-47 buwan ng nutrisyon sa pamamagitan ng iba’t-ibang mga patimpalak na gaganapin ngayong Hunyo at Hulyo 2021.
Nagpapaanyaya ang Municipal Nutrition Officer na si Madeleine Alforja sa lahat nang Los Bañense na makilahok sa mga paligsahan na gaganapin kaugnay ng pagdiriwang ng buwan ng nutrisyon na may temang, “Malnutrisyon, Patuloy na labanan, First 1000 days tutukan ngayong buwan ng Hulyo.”
“Batid po natin ang panganib ng COVID-19 sa atin at sa ating pamilya kaya napakahalaga po na isaalang-alang ang tamang nutrisyon at malakas na pangangatawan,” pahayag ni Alforja.
Upang maitaguyod ang pagpapahalaga sa tamang nutrisyon at pagpapalakas sa resistensiya ng katawan ngayong pandemya ay naglunsad ng tatlong patimpalak ang kanilang opisina gaya ng Home Grown Recipe Cooking Contest, Creative Breastfeeding Photo Contest, at Nutribun Jingle Contest.
Layon ng mga aktibidad na ito na pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan sa kahalagahan ng nutrisyon sa pagbuo ng isang malusog at produktibong komunidad. Sa pamamagitan nito ay mabibigyang-diin rin ang pagtutok sa unang 1000 araw ng buhay ng isang tao mula sa pagbubuntis hanggang sa ikalawang taong gulang upang mapababa ang kaso ng malnutrisyon sa lokalidad.
“Ngayong panahon ng pandemya, napakahalaga na bigyang pansin ang iyong pisikal na kalusugan upang malabanan at maiwasan ang nakamamatay na virus.”
Isasagawa ang Home Grown recipe cooking contest para makapagbibigay ito ng dagdag kaalaman sa mga mamamayang Los Bañense kung paano gumawa ng masarap at masustansiyang putahe na ang sangkap ay mula sa sariling bakuran. Ang pagpapatala para sa pagsali rito ay maaaring gawin hanggang Hulyo 2, 2021.
Samantala, nais naming itaguyod ng opisina ang pag-"normalize " sa breastfeeding sa pamamagitan ng isang photo contest dahil ang masustansiyang gatas ng ina ay sandata ng mga bata upang hindi magkasakit at makamit ang tamang nutrisyon lalo na ngayong may pandemya tayong kinakaharap. Ang huling araw ng pagpapatala para sa paligsahang ito ay sa Hunyo 24, 2021.
Sa pamamagitan naman ng nutribun jingle contest ay higit na malalaman ng mga taga-Los Baños na ang kanilang pamahalaang bayan ay may ginagawang inisyatibo upang mabawasan ang kaso ng malnutrisyon. Maaaring magpatala sa paligsahang ito hanggang Hulyo 15, 2021.
Ang Nutribun ay tinapay na ginagawa mismo ng Municipal Nutrition Office Los Baños na naglalaman ng micronutrient powder upang masiguro na ito ay masustansiya at ang mga batang may pangangailangang pang-nutrisyon ay regular na hinahatiran ng naturang tinapay sa kanilang mga tahanan ng mga Barangay Nutrition Scholar (BNS) at Nutrition staff ng Munisipyo.
Para sa mga detalye at alituntunin sa paglahok sa mga nasabing paligsahan ay maaaring bisitahin ang opisyal na Facebook page ng Municipal Nutrition Office of Los Baños at Municipal Government of Los Baños.
No comments