by PIO Lucena/ Josa Cruzat July 9, 2021 BJMP Lucena Female Dormitory (Photo from BJMP Lucena FD facebook page) LUCENA CITY - Bilang selebra...
July 9, 2021
BJMP Lucena Female Dormitory (Photo from BJMP Lucena FD facebook page) |
LUCENA CITY - Bilang selebrasyon ng ika-30 taong anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology, nakiisa ang BJMP Lucena Female Dormitory sa isinagawang mga makakalikasang aktibidad kamakailan.
Sa ilalim ng pangangasiwa ni Jail Warden JINSP Fernita Endrenal nakilahok ang piitan sa isinakatuparang simultaneous mangrove tree planting at coastal clean-up sa bahagi ng Brgy. Ransohan.
Naging katuwang ng nasabing unit sa pagtatanim ng puno ang Quezon Provincial Environment and Natural Resources bilang pag-gunita na rin ng mga ito sa National Arbor Day.
Hindi naman inalintana ng mga nakilahok ang pabugso-bugsong pag-ulan sa pagsasakatuparan ng mga nakahaing aktibidad.
Nakapag-tanim ang mga ito ng kabuuang dalawandaan at dalawampung mga puno ng mangrove habang anim na sako na naglalaman ng iba’t-ibang uri ng basura ang nalikom ng mga ito mula sa baybaying ilog ng barangay.
Kaugnay nito ay nakatanggap ang piitan ng Certificate of Appreciation mula sa Quezon Provincial Environment and Natural Resources bilang tanda ng aktibong pakikilahok at kontribusyon ng piitan sa mangrove activity ng naturang ahensya.
Ang ika-tatlumpung taong anibersaryo ng BJMP ay sumesentro sa de kalidad na serbisyo publiko nito na may temang “Tatlong Dekada ng Mahusay na Serbisyo Publiko, Matibay na Sandigan sa Tunay na Pagbabago” na siyang ipagdiriwang ngayong buong buwan ng Hulyo.
No comments