by PIO Lucena/K.Monfero July 3, 2021 LUCENA CITY - Bagama’t kasalukuyang nasa gitna pa rin ng nararanasang pandemya ang lungsod, hindi naman...
July 3, 2021
LUCENA CITY - Bagama’t kasalukuyang nasa gitna pa rin ng nararanasang pandemya ang lungsod, hindi naman ito naging hadlang sa mga kawani ng Schools Division Office ng Lucena na ipagdiwang ang ika-123 anibersaryo ng kagawaran ng edukasyon.
Sa pamumuno ni Schools Division Superintendent Dr. Hermogenes Panganiban, nagsuot ng kulay asul na kasuotan ang mga kawani ng bawat paaralan sa lungsod.
Ito ay bilang simbolo aniya ng pagkakaisa ng mga ito bilang mga guro at bilang pagpapakita ng pakikiisa sa pagdiriwang ng nasabing anibersaryo.
Indikasyon din aniya ito na patuloy ang pagbabayanihan at pagtutulungan ng lahat upang mas lalong mapaunlad ang pagpapadaloy ng Edukasyon sa bansang Pilipinas.
Nagpugay at nagpasalamat naman ang kawani ng SDO lalo’t higit si Dr. Panganiban sa lahat ng mga pinuno, guro, stakeholders, magulang at mag-aaral para sa pagdiriwang ng nasabing okasyon at sa walang sawang pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon para sa mga estudyante.
Pinuri din naman ni Panganiban ang lahat ng kawani ng kanilang opisina at maging ang lahat ng kawani ng bawat paaralan na patuloy na nagbibigay ng serbisyo kahit kasalukuyang humaharap ang bawat isa sa nararanasang pandaigdigang krisis pangkalusugan.
Ipinapakita lamang aniya ng mga ito na lahat ng pagtitiyaga, sakripisyo at pagmamahal ay ibinubuhos ng mga guro sa mga kabataang Lucenahin para maibigay ang sapat na kaalaman na magpapaganda at magpapaunlad sa kanilang kinabukasan.
No comments