by PIO Lucena/Josa Cruzat August 30, 2021 ABKD Federation (Photo from Lucena City ABKD) LUCENA CITY - Isa ng ganap na accredited youth coun...
August 30, 2021
ABKD Federation (Photo from Lucena City ABKD) |
LUCENA CITY - Isa ng ganap na accredited youth council sa lungsod ang Ating Barkada Kontra Droga Federation na siyang pinamumunuan ng pangulo nito na si Barangay Ibabang Iyam ABKD President Francis Manaois.
Ito ay matapos na maging matagumpay ang naganap na deliberasyon ng akreditasyon hinggil dito kamakailan ng Lucena City Youth Development Office kung saan ay nagkaroon ng pag-uulat ang naturang samahan.
Sa pag-uulat na pinangunahan ni Manaois, kanyang inihayag ang adbokasiya ng organisasyon para sa lungsod at ito ay ang maimpluwensyahan ang mga kabataang Lucenahin sa mga makabuluhang gawain at maiiwas sa mga paggamit at masasamang gawaing may kinalaman sa iligal na droga.
Upang mabigyan naman ng malawak na pag-iisip ang mga panelists patungkol sa magiging tungkulin ng ABKD sa lungsod ay inilatag din ni Manaois ang mga aktibidad at programa na nais isulong ng kaniyang samahan para sa buong taon.
Aniya ang mga aktibidad na ito ay sinisiguro niyang magiging makabuluhan lalo na at magiging katuwang nito at magbibigay patnubay ang City Anti-Drug Abuse Office.
Lubos naman ang ikinatuwa ng mga naging panelists sa naturang deliberasyon na sina SK Federation Lucena President Konsehal Patrick Nadera, SK Federation Lucena Vice President Rolden Garcia, at LYDC Secretariat na si Sweet Romulo.
Dahil sa mga magagandang iniulat ni Manaois ay hindi naman nagdalawang isip na gawing accredited ang ABKD Federation. Sa katunayan ay nagbigay suhestiyon pa ang mga ito kung paano pa mas magiging kapakipakinabang ang mga programa ng organisasyon.
Samantala naniniwala naman si Manaois na sa pamamagitan ng pagkakaisa ng mga miyembro ng samahan at pakikipagkoordinasyon ng mga kabataang Lucenahin ay makakamit ang adbokasiya ng pederasyon na tulungang mailihis sa gawaing may kinalaman sa ipinagababawal na gamot ang mga kabataan sa lungsod.
Gayundin ay ipinangako nito na gagawin ang kaniyang makakaya upang mapatunayan na hindi mapupunta sa wala ang pagiging accredited ng ABKD Federation.
No comments