by PIAGOVPH4A August 17, 2021 Mayor Arman Dimaguila BIÑAN CITY, Laguna – Pinagdodoble ingat ngayon ng pamahalaang lungsod ng Biñan ang mga r...
August 17, 2021
Mayor Arman Dimaguila |
BIÑAN CITY, Laguna – Pinagdodoble ingat ngayon ng pamahalaang lungsod ng Biñan ang mga residente nito dahil sa muling pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa lungsod.
Sa isang panayam sa Biñan 87.9 FM, sinabi ni Mayor Arman Dimaguila na umabot na sa 326 ang aktibong kaso ng Covid-19 kung saan hindi bababa sa 20 kumpirmadong kaso ang naitatala sa lungsod kada araw.
Itinuturong dahilan ang mas nakahahawang Delta variant ng Covid-19 kung kaya’t naging mabilis ang transmission ng sakit, ayon kay Dimaguila.
Kinumpirma ng alkalde na mayroon ng kaso ng Delta variant ang naitala sa kanilang lungsod batay sa resulta ng isinagawang pagsusuri ng Philippine Genome Center.
Ikinababahala din aniya na maaaring kumalat na ang naturang variant dahil sa tagal ng pagsusuri upang matukoy ang naturang variant.
Bagaman tuloy-tuloy ang mga hakbang na ginagawa ng pamahalaang lungsod gaya ng pagbabakuna at pagpapatupad ng community quarantine ay inihayag ni Dimaguila na mahirap nang ma-control ang pagkalat ng Covid-19 dahil sa Delta variant.
Ayon pa kay Dimaguila, mas maraming residente ang tinamaan ng Covid-19 ngayong taon kumpara noong nakaraang taon.
“Hindi po biro ang nararanasan natin ngayon sa lungsod at hindi lamang po ito sa ating lungsod, nagkataon lamang na tayo ay aktibo sa pagbabalita,” paglilinaw ng alkalde.
Upang matugunan ang pangangailangang medikal ng mga tinamaan ng sakit, nagdagdag na ang pamahalaang lungsod ng 20 hospital beds sa Ospital ng Biñan at ginawa na rin aniyang pasilidad ang parking lot ng naturang ospital para sa mga pasyente ng Covid-19.
Tumaas din aniya ang bilang ng mga naitatalang pumanaw dahil sa sakit kung kaya’t napupuno na rin ang mga crematorium sites sa lungsod. – MO, FC, PIA4A
No comments