by PIAGOVPH4A August 28, 2021 Residente ng Santa Rosa, Laguna. CALAMBA CITY, Laguna – Magsisimula na sa Huwebes, Agosto 19, ang pamamahagi n...
August 28, 2021
Residente ng Santa Rosa, Laguna. |
CALAMBA CITY, Laguna – Magsisimula na sa Huwebes, Agosto 19, ang pamamahagi ng ayuda para sa mga apektado ng umiiral na enhanced community quarantine sa lungsod ng Santa Rosa.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ng pamahalaang lungsod na natanggap na nila ang pondo mula sa pamahalaang nasyunal at naghahanda na ito para sa isasagawang pamamahagi ng cash assistance sa mga residente nito.
“Nasa bangko na ang P341 milyon na alokasyon mula sa national government. Inihanda na rin ni Mayor Arlene B. Arcillas ang natitirang P124 milyon na pondo na inilaan ng lokal na pamahalaan para mabigyan ang lahat ng households,” pahayag nito.
Inaasahang 456,000 na benepisyaryo anila na nasa masterlist batay sa naunang pamamhagi ng ayuda noong Abril hanggang Mayo 2021 ang makakatanggap ng ipapamahaging cash assistance.
Inabisuhan naman ang mga residente na ihanda na ang mga kaukulang dokumento ng pagpapatunay at maghintay ng anunsiyo para sa itinakdang araw ng house-to-house distribution ng cash assistance sa kanilang barangay.
“Sa lahat ng mga benepisyaryo, ihanda na ang xerox copy ng mga ID o barangay clearance para sa mga walang ID. Ang head of the family ay kailangan may Authorization Letter kung sakali wala sa bahay sa naktakdang schedule.”
Upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente ay sasailalim sa antigen test ang kanilang distribution team bago simulan ang pamamahagi ng ayuda.
Ibibigay naman ang ayuda para sa mga kabahayan na may positibong kaso ng Covid-19 matapos ang quarantine ng mga ito at may clearance na mula sa City Health Office. — FC, PIA4A
No comments