by Go Cavite August 24, 2021 Mga kawani ng Indang Temporary Treatment and Monitoring Facility sa loob ng Cavite State University (CvSu). (Ph...
August 24, 2021
Mga kawani ng Indang Temporary Treatment and Monitoring Facility sa loob ng Cavite State University (CvSu). (Photo from Go Cavite) |
INDANG, Cavite - Sa isang Facebook update, ibinahagi ng lokal na pamahalaan ng Indang ang pagbubukas ng Indang Temporary Treatment and Monitoring Facility sa loob ng Cavite State University (CvSu) Main Campus nitong Lunes, Agosto 23.
Ang naturang pagbubukas ng pasilidad ay bunsod ng pagkapuno sa isolation facility ng Oplan Kalinga sa Hacienda Isabela, Brgy. Carasuchi at maging sa Carmona Mega Isolation Facility ng Region IV-A, kung saan dinadala ang mga positibong kaso ng COVID-19 mula sa Indang.
“Napuno na po ang isolation Facility ng Oplan Kalinga sa Hacienda Isabela sa Brgy. Carasuchi at Carmona Mega Isolation Facility ng Region 4A kung saan tayo naglalagak ng pasyente natin na may COVID19,” saad sa post.
“Sa pakikipagtulungan at malasakit sa atin ng Cavite State University sa pamumuno ni CvSU President Dr. Hernando D. Robles ay ating bubuksan ang Indang Temporary Treatment and Monitoring Facility sa CvSU Main Campus simula ngayong araw upang makatugon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID19 sa ating bayan,” pagpapatuloy nito.
Nagpabatid rin ng pasasalamat ang LGU sa mga volunteers at sa CvSu sa naging pakikipagtulungan ng mga ito sa laban kontra COVID-19.
“Kami po ay taos pusong nagpapasalamat sa lahat ng ating nakakatulong na mga institusyon, pribado at sangay ng gobyerno, sa ating mga VOLUNTEER DOCTORS na sa kabila ng kanilang mga responsibilidad at gawain ay patuloy na naglalaan ng oras para sa ating bayan. Sa Cavite State University, sa paglalaan ng tulong sa maraming aspeto tulad ng mga tulong teknikal at pasilidad sa ating mga naging hakbangin upang patuloy na makapagbigay ng serbisyo sa ating mga kababayan at mga FRONTLINERS sa gitna ng ating laban sa pandemyang ito.” (with reports from Municipality of Indang/FB)
No comments