Page Nav

HIDE


Breaking News:

latest

Ads Place

Isinilang ang dakila sa apoy ng digma

by Sentinel Times Research Team August 30, 2021 Manuel L. Quezon Sigalot ang kasunod kapag Pilipino na ang umuugit ng pamahalaan-- umaat...

by Sentinel Times Research Team
August 30, 2021



Isinilang ang dakila sa apoy ng digma
Manuel L. Quezon





Sigalot ang kasunod kapag Pilipino na ang umuugit ng pamahalaan-- umaatikabong labanan, paglalahad ng pangulo ng malasariling gobyerno noong 1937: "Madalas kong itanong sa aking sarili, 'Ano ang gagawin natin kapag wala na ang mga Amerikano, kapag wala na ang udyok para magkaisa tayo? Alitan, tulad niyong nangyayari nang mga estudyante pa tayo dito sa Letran-- nang nag-aaway ang mga Tagalog at Ilocano, labanan ang mga Pampangan at mga Bisaya, salpp.ukan ng mga Bisaya at Tagalog, atbp. Nakita ko 'yan dito, parang kailan lang, hindi pa naman ako ganoon katanda, at nakita ko ang mga labanan dito.

"Wika ang sasagip sa atin dahil hindi maaalala ng sinuman na siya ay Tagalog, Bisaya, Ilocano, Pampango, Bicol, atbp. Malilimot nila ang kanilang pagkakaiba-iba."



Sa taon ding iyon nang likhain niya ang Surian ng Wikang Pambansa, at sa pamamagitan ng Executive Order No. 134, inihayag na Tagalog ang magiging batayan ng pambansang wika-- sa mga taong 1940-1941 bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pinalawak ang pagtuturo't pagpapalaganap nito sa mga paaralan, anupa't kinilala si Quezon bilang Ama ng Wikang Filipino.

"Sa kanyang pangunguna, tayo ay nagkaroon ng pambansang wika upang paigtingin ang ugnayan ng mga Pilipino. Gamitin natin sa diskursong tatalakay, huhubog sa ating adhikain at pangarap," diin ni Quezon Gov. Danilo E. Suarez sa onlike talakayan, "Balikwentuhan: Legasiya't Liderato ni Quezon sa Bayan' na ginanap sa ika-157 kapanganakan ni Quezon nitong Agosto 19.

Apat lang ang tagubilin ni MLQ sa kanyang anak, ayon sa apong Manolo Quezon III, (1) maging ganap sa katapatan, upang hindi na magsabi ng kasinungalingan; (2) huwag maging mapaghiganti o magtanim ng sama ng loob; (3) dapat mapagpasalamat ang tao, at (4) ipagmalaki na ikaw ay Filipino.

Tumayong ayudante ni Hen. Emilio Aguinaldo sa Digmaang Filipino-Amerikano, umangat siya sa ranggong Major, sumagupa sa labanan sa mga lunan sa Bataan, sumuko ng 1900-- bumalik sa iba't ibang panunungkulan sa gobyerno, mula fiscal, konsehal, at gobernador ng Tayabas, kinatawan ng Quezon sa Pambansang Asemblea, senador... at noong 1935, naging mahigpit na karibal ni Aguinaldo sa panguluhang halalan.

Nanaig man siya sa halalan, tumagal ng may 20 taon ang iringan nila ni Aguinaldo bago nagkasundo muli, patunay sa kanyang tagubilin na hindi dapat maging mapaghiganti o magtanim ng sama ng loob.

Pagkilatis sa katangiang Filipino

"Matapos masusing pag-aralan ang problema, at buo na ang kanyang pasya, wala nang anumang makakapigil pa sa kanya. Kung hindi sa ganyan niyang katangian, baka malasarili pa rin ang Pilipinas at katulad ng malasariling tulad ng Puerto Rico, o estado ng US tulad ng Hawaii. Mala-propeta ang kanyang pananaw," binanggit ng manunulat na Arturo B. Rotor na naglingkod sa pamunuang MLQ.

Pahayag naman ng Philippines Free Press sa pangulong tudling nito noong 1953: "Sa ngayon, walang bahala pa rin ang laro ng pulitika, kagaya ng laro ni Quezon, pero marumi na. Ang mga sumunod kay Quezon ay taglay din ang kanyang mga mali, pero hindi ang kanyang mga kabutihan; nagmalabis siya pero isinagad naman nila ang pagmamalabis.Meron siyang konsiyensiya na nagtatakda kung ang kalabisan ay hindi na marangal para sa isang pinuno ng taumbayan. May sinusunod siyang hangganan dahil may konsiyensiya siya. Wala niyon ang mga sumunod sa kanya, kahit pa batas ay nanghihina para magtakda."

Masakit ang makilatis ng MLQ, kahit ipinagmamalaki niyang siya'y Filipino, hindi ikinahihiya sa kalipunan man ng iba't ibang lahi na siya'y Filipino: "Malata na ang Filipino ngayon, mahilig sa madalian. Mas nahihilig na umasa na lang sa iba. Palaiwas sa mga tuloy-tuloy na buhos ng punyagi at sikap. Pakitang-tao at kahihiyan ang pinakamatingkad na asal sa kanyang magulong tugtog ng pamumuhay. Anumang bahid ng kabutihan ay pinahihina ng hangad sa pansariling kapakanan.

"Ang kanyang pamantayan sa gawi ay karaniwang bunsod ng pangangailangan sa halip na paninindigan. Ipnakikita niya ang taal na tapang na nagtutulak para kumilos dahil iyon ang tama, kahit ang kapalit ay pagpapakasakit. Pinakamatindi niyang takot ay hindi gumawa ng mali kundi ang mahuli siyang gumagawa ng mali. Talusaling siya sa kanyang pananaw sa buhay. Iniisip niyang ang kagalingan ay kung ano lang ang takda ng nakagisnan. Bale-wala sa kanya ang kanyang relihiyon. Iniisip niyang ang pagsasabi-sabi at pahayag ay katumbas ng malalim, taimtim na pananalig.

"Hindi siya tapat; kulang sa tiyaga, at nagugulantang sa mga hadlang, at madaling tumanggap ng pagkatalo.."

Sa kanyang tagubilin na dapat ipagmalaki ang pagiging Filipino, pinansin ni MLQ na "ang gawi sa lipunan ay napariwara na sa maling kaisipan ukol sa pagkamakabago.. mga maling pagsunod sa mga banyagang gawi, sa pag-aakala na karaniwan na lang ang pagpipitagan, at ang katusuhan at kawalang-galang ay katumbas ng mainam na pagpapalaki. Hindi nila batid na an paggalang ay pinakamarikit na bulaklak ng kultura at kabihasnan, dahil niyayakap nito ang lahat ng kagalingan, tinutustusan at pinatitingkad ang lahat ng ito.

"Matamlay ang ating pagdisiplina sa sarili. Namumuhi tayo sa disiplina, moral man o pisikal, nakalimot na ang pansariling disiplina ay pinakamabisang paraan upang mapanday ang tibay ng katawan at kaluluwa.

"Nais kong ang ating mamamayan na lumago at maging tila molave. Matibay at matatag, nakatindig sa burol, hindi nangangamba sa tumataas na baha, sa kidlat o sa unos, tiwala sa ating lakas. Kung mayroon tayong tibay ng loob upang mabuhay at tibay ng loob upang makamit ang kahusayang panlipunan, hindi na natin maipagpapalibab ang gawain sa espiritual na pagsulong. Simulan na nating hubugin ang Filipino."

Hinadlangan, pero tuloy lang

Natikman naman ni MLQ na hadlangan ang kanyang gagawin-- at mismong US ang naging sagabal para makalikas sa Pilipinas ang may 10,000 Hudyo sa Austria at Germany na pawang kandidato na para puksain ng mga galamay ni Adolf Hitler.

Nakipagmatigasan si MLQ sa gobyernong US para masagip ang mga Hudyo-- na inilarawan ng pelikulang "Quezon's Game' na umani ng parangal dito at sa ibang bansa-- pero, mahigit 1,300 Hudyo lang ang nakatawid-dagat patungo sa Pilipinas upang makupkop. Kinubkob na ng mga Hapones ang bansa bago pa man salakayin ang Pearl Harbor noong Disyembre 8, 1941, na nagpasimula ng digmaan sa Asia-Pacific.

"Isang ugali niya na sanhi ng kanyang malalim at malayong pananaw at kampeon ng katarungang panlipunan, siya'y makatao," paliwanag ni Xiao Chua sa kanyang paglalahad.


"Siya 'yong pinuno na hindi mo maririnig na ipinapapatay niya ang kanyang mga kalaban. 'Di ba ang daming ganyan sa Pilipinas-- guns, goons, and gold?"

Bilang balik-tanaw sa nasaksihan niya na hilahod, luhaan, at gumagapang paakyat sa hagdanan ng Malakanyang ang ina ng pambansang bayaning Dr. Jose Rizal, upang makiusap sa gobernador-heneral na huwag nang ituloy ang pagbaril sa anak, isinumpa ni MLQ na "hindi tayo aakyat dito na luluhod at gagapang kundi taas-noo dahil tayo na ang mamumuno sa sarili nating bansa. Walang Pilipino na kailangang magmakaawa para sa kanyang sarili."

Iniwan ni MLQ ang isang ritwal para sa mga sumunod pang Pangulo ng bansa-- ang ritwal ng pagpanhik sa hagdanan ng Malakanyang, na kanyang sinimulan nang mahalal noong 1935.

Bantayog sa bayani

Pinansin ni Manolo Quezon III na tatlo lang ang itinindig na bantayog para sa mga pangunahing bayani ng bansa. Una ang Dr. Jose P. Rizal na parangal sa pagiging pambansang bayani; ikalawa ang kay ; Andres Bonifacio, pagkilala sa kanyang pagiging Ama ng Himagsikan ng 1896, at ikatlo ang kay MLQ, na dumadambana sa kanyang adhikain para sa modernisasyon ng bansa.

Tatlo ang haliging marmol ng bantayog kay MLQ-- sumasagisag sa Luzon, Visayas, at Mindanao na kinakatawan ng tatlong anghel na pawang may hawak na kuwintas na sampaguita.

Laging magugunita ang sinabi niyang, "Mas nanaisin ko ang isang pamahalaang tila impiyerno ang pagpapatakbo ng mga Filipino kaysa pamahalaan na tumatakbong tila langit sa ilalim ng mga Amerikano. Masama man ang pamamahalang Filipino, maaari nating palitan ito palagi."

Huling kabit niya ukol sa mga pulitiko at pulitika sa bansa: "Problema sa inyo, masy arap. Hindi nauunawa ng ating taumbayan ang ganyan. Ang nais nila'y malutas ang mga problema sa kasalukuyan, malutas na walang gaanong masasaktan. Ganoon lang."

Praktikal na pinuno.

No comments

Latest Articles

#SentinelTimes is Quezon Province #1 Regional Weekly Newspaper.

We're in print, website, and radio. We will bring you the latest news and updates at your fingertips.

SERVICES OFFERED:
• Commercial Advertisements (Print, Radio, Website)
• Subscription
• Extra-judicial Settlement / Partition of Estate (land, bank account, share of stock)
• Deed of Sale (motor vehicle)
• Notice of Affidavit of Loss
• Change of First Name, Birthdate, and Gender
• Invitation to Bid
• Provincial / City / Municipal Ordinances
• Public Announcements
• Sponsored Content
• and more...

EDITORIAL OFFICE ADDRESS: Sentinel Times Quezon Province Regional Weekly Newspaper is published at Dau St. Calmar Subd. Brgy. Mayao Kanluran, Lucena City, 4301 Quezon Province, Philippines
TELEPHONE: 042-717-6108
CELL: 0927-938-5896
E-MAIL: sentineltimes@yahoo.com
WEBSITE: www.sentineltimes.net/
SOCIAL MEDIA: @stcalabarzon

Disclaimer. The opinions expressed in this publication are those of the authors. They do not purport to reflect the opinions or views of the Sentinel Times or its members.