by PIAGOVPH4A August 17, 2021 Pagbabakuna sa lungsod ng San Pablo. CALAMBA CITY, Laguna – Tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa lungsod ng San Pab...
August 17, 2021
Pagbabakuna sa lungsod ng San Pablo. |
CALAMBA CITY, Laguna – Tuloy-tuloy ang pagbabakuna sa lungsod ng San Pablo sa kabila ng umiiral na enhanced community quarantine sa buong lalawigan ng Laguna.
Ayon sa ulat ng San Pablo City Information Office, nasa 114,427 na ang kabuuang dose ng bakuna na naiturok nito sa mga senior citizens, healthcare workers, persons with comorbidity, at iba pang kasama sa mga prayoridad na grupo.
Umabot naman sa 40,477 ang kabuuang bilang ng mga ang fully vaccinated na o nakakumpleto na ng dose ng bakuna kontra Covid-19.
Batay sa opisyal na datos ng San Pablo City Health Office, mahigit 11,240 mula sa A1 (frontliners) ang tumanggap na ng una at ikalawang dose ng bakuna.
Nasa 29,520 naman ang bilang ng mga A2 o senior citizens ang nabakunahan na kontra COVID-19 at may 28,721 naman ang kabuuang bilang ng mga persons with comorbidities ang bakunado na rin laban sa sakit.
Tinatayang 33,265 naman ang kasalukuyang bilang ng mga A4 (essential workers) ang nabakunahan, habang nasa 1,681 naman ang bilang ng mga nasa ilalim ng A5 category.
Patuloy naman anila ang pakikipag-ugnayan nina Mayor Loreto Amante at City Health Officer Dr. James Lee Ho, sa Department of Health (DOH) para sa pagdating ng mga bakuna sa lungsod upang masimulan na rin ang pagbabakuna sa iba pang katergorya.
Dahil dito, inaasahan ng pamahalaang lungsod na mas tataas pa ang bilang ng mga mababakunahan sa mga susunod na araw.
Kaugnay nito ay nagpaabot din ng pasasalamat si Amante sa mga katuwang ng pamahalaang lungsod sa vaccination program nito kabilang ang mga barangay officials, volunteer groups mula sa youth at civic organizations at gayundin sa mga religious groups.
Patuloy din ang panawagan ng alkalde sa mga nasasakupan nito na palagiang sundin ang minimum health protocols at magpabakuna bilang dagdag na proteksyon laban sa Covid-19. – MO, FC, PIA4A
No comments