by PIO Lucena/Josa Cruzat August 7, 2021 ABKD LUCENA CITY - Isang sabayang paglilinis ang isinagawa sa lungsod ng Lucena kamakailan na siyan...
August 7, 2021
ABKD |
LUCENA CITY - Isang sabayang paglilinis ang isinagawa sa lungsod ng Lucena kamakailan na siyang pinangunahan ng tatlumpu’t tatlong Ating Barkada Kontra Droga o ABKD ng bawat barangay.
Ang naturang aktibidad ay sa inisyatibo ng tanggapan ng City Anti-Drug Abuse Office sa pakikipag-ugnayan ng ABKD Lucena Federation.
Dito ay sabay-sabay na naglinis ang bawat ABKD sa kani-kanilang barangay habang nagsagawa naman ng coastal clean-up sa bahagi ng Barangay Talao-Talao ang ABKD Lucena Federation sa pangunguna ng pangulo nito na si Francis Manaois.
Pahayag ng grupo, ang aktibidad ay nagmula sa CADAC sa pangangasiwa ng hepe nito na si Ms. Francia Malabanan na aktibo namang tinugunan at sinuportahan ng bawat ABKD sa lungsod sa pagnanais rin na mapaigting ang kampanya ng kabataang lucenahin hinggil sa kalinisan ng kapaligiran at tamang pagtatapon ng basura.
Naniniwala rin naman si Manaois at ang buong pederasyon na sa pamamagitan ng ganitong uri ng aktibidad ay nabibigyan ng importansya at atensyon ang kalikasan at nagsisilbi ring paalala sa bawat indibidwal na patuloy na mahalin at pangalagaan ito.
Naging matagumpay naman ang pakikilahok ng mga kabataan sa lungsod na siyang nagpakita ng suporta at paghanga sa naturang aktibidad na siyang iisa ang hangarin na maging malinis at kaaya-aya ang kanilang lugar kasama ng layunin na mailihis ang atensiyon ng mga kabataan sa ilegal na droga at mas maging produktibong mamamayan.
Samantala ang inisyatibo na ito ng CADAC ay bilang pagtugon sa panawagan ng City General Services Office hinggil sa kalinisan ng kapaligiran at waste segregation program nito.
No comments