by PIO Los Baños August 30, 2021 Los Baños New Municipal Hall Building. (Photo from Ramon FVelasquez) LOS BAÑOS, Laguna – Sisimulan na ng ...
August 30, 2021
Los Baños New Municipal Hall Building. (Photo from Ramon FVelasquez) |
LOS BAÑOS, Laguna – Sisimulan na ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños ang kanilang Special Plastic Waste Collection Program sa Munisipyo at mga piling establisyemento.
Ito ay bilang tugon sa nilagdaang Memorandum of Agreement sa pagitan ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños at Republic Cement Inc. upang magamit na feedstock sa cement plant ang makokolektang plastic waste.
“Ang Plastic Waste Collection Project ay naglalayong makatulong sa waste diversion target ng Munisipyo upang mabawasan ang mga basurang tinatapon natin sa sanitary landfill,” pagbabahagi ni MENRO Focal Person Lizette Cardenas.
Ang proyektong ito na katuwang ang Republic Cement Inc. upang magamit ang mga plastic waste sa paggawa ng semento ay isang alternatibong paraan sa pagsasaayos ng basura sa ating bayan at upang mabawasan rin ang dinadala nating basura sa Pilotage Sanitary Landfill.
Aniya ang paggamit ng mga enerhiya mula sa mga plastik ay nakakatulong din sa pagbabawas ng greenhouse gases na galing sa mga tambakan ng basura.
“Ito ay isang paraan na makatulong sa cement plant na iwasang gumamit ng coal sa kanilang paggagawa ng cement products.”
Dahil aniya may ibang mga LGU na ginagawa na rin ang ganitong programa at napatunayan na magandang ang resulta, ang LGU Los Baños ay nahikayat na gumawa ng kahalintulad na programa.
May isang buwan munang magpilot-testing ang LGU para makita ang magandang pagpapalakad ng program.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Pamahalaang Lokal ng Los Baños ang lahat nang opisina sa Munisipyo at mga piling establisyemento na ibukod ang mga basurang kagaya ng plastic bag/labo, sachet (kape, gatas, detergent at iba pa), gamit na kahon o tetrapack (gatas, juice at iba pa), food wrapper, plastic bottles (PET), disposables plastic (plato, kutsara, tinidor, baso), plastic packaging (mula sa Shopee, Lazada, LBC, JRS at iba pang katulad nito), tarpaulin, styrofoam at mga maliliit na gulong.
Ang mga nabanggit na basura ay kinakailangang ilagay sa trash bags at ang mga ito ay kokolektahin ng bukod ng trak ng Munisipyo tuwing Huwebes ng hapon mula sa mga establisyemento.
Ang mga basurang galing naman sa Munisipyo ay kokolektahin ng utility personnel at dadalhin sa MRF tuwing araw ng Biyernes. Ang mga nakolektang plastic wastes ay daldahin sa Republic Cement Plant sa Taysan, Batangas o sa Teresa, Rizal.
“Sa aming selected partner establishments, sana po ay matulungan ninyo kami na mapaunlad ang plastic collection natin. Hindi po namin kailangan ang mga naipagbebenta ninyo na mga plastik, ang hanap po namin ay iyong mga packaging materials gaya ng sachets, laminates, pambalot, at iba pa na wala naman pong halaga,” panawagan ni Cardenas.
Para sa anumang paglilinaw tungkol sa proyekto ay maaaring makipag-ugnayan sa opisina ng MENRO Los Baños sa kanilang email address na lbmenro@gmail.com.
Inaasahan ng Pamahalaang Bayan ng Los Baños ang pakikiisa at suporta ng mga mamamayan nito upang maging matagumpay ang naturang programa sa kalinisan.
No comments