by Henry Buzar September 27, 2021 Sa loob ng maraming siglo, ang mga paniki ay tinatawag na malaswa, nakakatakot at mabaho, malamang dahil ...
September 27, 2021
Sa loob ng maraming siglo, ang mga paniki ay tinatawag na malaswa, nakakatakot at mabaho, malamang dahil sa kanilang mga mata at matatalim na pangil. Malimit na idinidikit natin ang mga paniki sa mga aswang, dracula at iba pang katatakutang mga alamat at mga matatandang kwento. Ang mga paniki ay hindi ibon kundi isang mammal sa ilalim ng “order Chiroptera.” Ang mga mammals sa pagkakaalam natin ay nagpapagatas sa mga bagong anak nito katulad ng tao, baka, kambing at mga dolphines. Isang katangiang kaiba sa ibon, isda at iba pang mga hayop sapagkat meron silang mammary gland ngunit kaiba naman ang "Dayak Fruit Bat" sapagkat ang mga lalaki ang siyang pinanggagalingan ng gatas.
Isa lamang uri ng paniki ang sumisipsip ng dugo, ito ay tinatawag na “vampire bat.” Mabuti na lang at mga dugo ng baboy baka, kabayo at mga ibon ang kanilang pagkain. Dumadayo ang mga vampire bats sa gabi kung saan tulog ang mga baka at baboy na kanilang bibiktimahin. Meron silang anti-coagulant sa kanilang mga laway at nakasisipsip ng dugo hanggang 30 minuto. Kung walang makitang ibang bibiktimahin, maari rin naman na dugo ng tao ang puntiryahin nila. (National Geographic: Vampire Bat)
Sa madaling salita, hindi kinatatakutan ang mga paniki lalong lalo na sa mga bansa sa Southeast Asia. Kalimitan pa nga, sila ang nagiging biktima ng mga mangangaso kung saan ang kanilang mga karne ay isang delicacy sa Tsina, sa Pilipinas at mga karatig na bansa.
Ngunit ngayon sa huling pag-aaral ng mga siyentipiko, ang mga paniki sa bandang Norte ng Laos ay kinakitaan na bitbit nito ang Sars-CoV-2 virus dahilan upang matukoy na ng mga siyentista ang sanhi ng Covid-19. Sa daan-daang mga paniki na sinampulan sa Laos, 3 sa mga horseshoe bats ang kinakitaan ng malapit at tumutugma sa mga nagbubuklod na receptor - ang bahagi ng coronavirus spike protein na ginamit upang mabuklod sa ACE-2 ng tao ang target na enzyme na nagiging sanhi ng impeksyon. (“Bats in Laos caves found to carry coronaviruses that share key feature with Sars-CoV-2.” StraitsTimes, Sep 20, 2021)
Ang tatlong viruses na nakita sa Laos ay pinangalanang: BANAL-52, BANAL-103 at BANAL-236. Ito ang pinakamalapit na kamag-anak ng Sars-CoV-2 sa ngayon. Hindi matatapos ang Covid-19 hanggat hindi natatagpuan ang pinagsimulan nila at anong mga species ng mga paniki ang dinadapuan nito kayat patuloy ang ginagawang pananaliksik ng mga dalubhasa upang matukoy ang pinagsimulan ng Covid-19.
Sino-sino ang maaring mahawahan ng virus na ito? (1) Mga kolektor ng Guano (2) mga mangangaso na humuhuli at kumakain ng mga paniki (3) mga hayop katulad ng baboy at civet cats na maaring makakain ng infected na mga prutas na kinain ng mga paniki.
Sa kasalukuyan ang mga ganitong klase ng paniki ay matatagpuan sa mga limestone karstic terrain pangkaraniwan sa Tsina, Laos, Vietnam at sa Indochina peninsula.
"Binibigyang-diin ng mga pag-aaral na ang coronavirus ng mga paniki ay may potensyal na mahawahan kaagad ang mga tao sa kalikasan at maaaring lumitaw sa anumang oras. Ito ang malinaw na panganib para sa hinaharap."
No comments