by Ruel Orinday, PIA Quezon August 20, 2021 Magsasaka. LUCENA CITY, Quezon – Nakahandang tumulong ang Philippine Coconut Authority (PCA) Re...
August 20, 2021
Magsasaka. |
LUCENA CITY, Quezon – Nakahandang tumulong ang Philippine Coconut Authority (PCA) Region IV para sa mga samahan ng mga magsasaka ng niyog sa rehiyon ng Calabarzon gayundin sa mga iba pang umaasa sa industriya ng pagniniyog na naapektuhan ang kabuhayan dahil sa Covid-19 pandemic.
Ito ang binigyang diin ni PCA 4A Acting Regional Manager Ramon Rivera sa kanyang panayam sa ‘Kapihan sa PIA’ nitong Miyerkules, Agosto 18.
Sinabi ni Rivera na nauna nang namahagi ang tanggapan nila ng tulong na P5,000 bawat magsasaka ng niyog kamakailan na naapektuhan ng pandemya at handa pa rin silang tumulong sa kabila ng nararanasang pandemya.
Inihayag din ni Rivera na ang paggawa ng coco-sugar at virgin coconut oil sa lalawigan ng Quezon partikular sa bayan ng Alabat ay ilan sa mga by-products mula sa niyog na malaki ang naitutulong ngayon sa mga magsasaka ng niyog upang madagdagan ang kanilang kita.
“Maaari din pong mag-inter-cropping o magtanim ang ating mga magsasaka ng niyog ng mga gulay o prutas sa pagitan ng mga punong niyog upang madagdagan din ang kanilang kita bukod sa pagniniyog,” sabi pa ni Rivera
Binigyang diin ni Rivera ang kahalagahan ng ‘coconut farmers industry development plan’ ng kanilang tanggapan na siyang makatutulong din sa mga magsasaka ng niyog.
Samantala, ibinida rin ni Rivera na ang rehiyon ng Calabarzon ay numero uno pagdating sa dami ng bilang ng mga nakatanim na punong niyog kumpara sa ibang rehiyon sa buong bansa.
“Malaki po ang naitulong ng lalawigan ng Quezon upang maging number one ang CALABARZON pagdating sa pagdami ng mga nakatanim ng punong niyog,” ayon pa kay Rivera
Si Rivera ay naging tampok na panauhin sa lingguhang “Kapihan sa PIA” Agosto 18 alinsabay sa pagdiriwang ng 35th Coconut Week.
Kabilang din sa aktibidad ng pagdiriwang ang “Coco Kwentuhan sa Negosyo for Coconut Farmers” at iba pang mga nakahanay na gawain na inihanda ng PCA.
No comments