by PIO Los Baños September 26, 2021 LOS BAÑOS, Laguna – Isang simple ngunit makabuluhang pagdiriwang ng Bañamos Festival ang isinagawa noong...
September 26, 2021
LOS BAÑOS, Laguna – Isang simple ngunit makabuluhang pagdiriwang ng Bañamos Festival ang isinagawa noong nakaraang ika-13 hanggang ika-17 ng Setyembre.
Sa pangunguna ni Mayor Antonio “Kuya Tony” L. Kalaw at sa pamamagitan ng Tanggapan ng Turismo ay nagsagawa ng mga aktibidad at patimpalak ang bayang ito sa paraang masisiguro ang kaligtasan ng mga kalahok mula sa COVID-19.
“Tayo po ay hindi mapipigilan sa pag-alala ng matatag na bayan na simbolo ng karunungan at kapayapaan,” pahayag ni Mayor Antonio “Kuya Tony” L. Kalaw.
Hindi man normal ang pagdiriwang ngayon na di gaya noon kung saan bawat barangay at mamamayan ay nagsasama-sama at maging ang mga mamamayan mula sa ibang bayan ay nakikisaya sa pagdiriwang ng Bañamos, ang bayan naman ng Los Baños aniya sa gitna ng pandemya ay nagsagawa pa rin ng online na selebrasyon sa tulong ng makabagong teknolohiya.
Noon mismong araw ng Bañamos Festival na taunang ipinagdiriwang tuwing ika-17 ng Setyembre, idinaos ang Thanksgiving Mass at Awarding di lamang ng patimpalak sa pag-awit kundi ng pagbibigay karangalan sa mga Top Ten Tax Payer at ahensiyang naging katuwang ng pamahalaang bayan ng Los Baños sa mga programa at aktibidad nito.
Kabilang sa top ten na tax payer ang Robinsons Supermarket Corp., Sanford Marketing Corp., Puregold Price Club Inc., Laguna Water District Aquatech Resources Corp., Mercury Drug Corp. (Plaza Agapita), Mercury Drug Corp. (National Highway), Los Baños Doctors Hospital Medical Center Inc., Healthserv Los Baños Medical Center, at Grand Union Supermarket Inc. Optr.
Ang mga nabigyan naman ng Plaque of Recognition sa kanilang suporta at kontribusyon sa pamahalaang bayan ay ang Boy Scout of the Philippines-Mt. Makiling Los Baños, Girls Scout of the Philippines Laguna Council, Department of Science and Technology Region IV-A, Southeast Asian Regional Center for Graduate Study and Research in Agriculture (SEARCA) at ang University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Isa naman sa mga patimpalak na isinagawa bilang bahagi ng selebrasyon ang LBirit na isa sa mga taunang ginaganap tuwing ipinagdiriwang ang naturang pestibal. Dito ay nagpapatagisan ang mga kalahok sa husay sa pag-awit. Ito ay pre-recorded at sinigurong nasunod ang minimum health protocol sa kanilang performance at sa paghusga sa kanilang pag-awit.
Iniuwi nila Ricky Mendoza at Jessa Veronica Salazar na parehong mula sa Brgy. Mayondon ang karangalan bilang 2nd at 1st Runner Up. Ang nakatanggap naman ng People’s Choice Award ay si John Carlo Guba ng Brgy. San Antonio at ang itinanghal bilang LBIRIT STAR 2021 ay si Jethro De Asis ng parehong barangay.
Nagkaroon din ng Daily Online Quiz na may kaugnayan sa kultura, kasaysayan at pagkakakilanlan ng bayan ng Los Baños na ipinost sa opisyal na Facebook Page ng tanggapan ng Turismo. Nabigyan ng papremyo ang mga mamamayan at empleyado ng Munisipyo na nakapag-comment ng tamang kasagutan. Sa pamamagitan nito ay nasariwa ang mga impormasyon at kaalaman patungkol sa pagkakakilanlan ng bayang ito.
Bagaman tapos na ang pestibal ay mayroon pa ring isasagawang paligsahan sa paggawa ng Tourism Video sa pagitan ng 14 na barangay ng bayang ito sa buwan ng Oktubre, kung saan pipili ang opisina ng pinakamagandang presentasyon na magpapakita at magpapakilala sa lahat kung anu-ano ang ipinagmamalaki ng Los Baños bilang isang bayan na tinaguriang Special Science and Nature City ng ating bansa.
Sa kabila ng pandemya, patuloy ang pamahalaang bayan sa pagtataguyod di lamang sa aspetong pangkalusugan kundi maging sa larangan ng turismo na isa sa mga lubhang naapektuhan at napagkukunan ng kabuhayan ng ilan sa mga mamamayan rito.
No comments