by Nimfa Estrellado and Dong de los Reyes October 24, 2021 Atty. Sunshine Abcede-Llaga LUCENA CITY - Karaniwang tao ka, pero kung ikaw ang m...
October 24, 2021
Atty. Sunshine Abcede-Llaga |
LUCENA CITY - Karaniwang tao ka, pero kung ikaw ang masusunod, anu-ano ang mga nais mong ipatupad na mga hakbang at paraan upang mapahusay ang pamamalakad ng gobyerno?
Pansinin na may sangguniang panlungsod, sangguniang panlalawigan, sangguniang pambayan-- pero sila-sila lang na nakaluklok sa poder ang nagsasanggunian, tila kawan ng ibong lumilipad sa kaitaasan na nagtatakda ng mga kautusan, mga patakaran para sa mga isdang lumalangoy sa karagatan. Taliwas sa diwa at pakay ng katagang "sanggunian" o konsultasyon.
Nakamulatan na ng taumbayan ang ganitong pamamaraan sa pamamahala at pag-ugit ng gobyerno-- dantaon nang umiiral ang ganito.
Ito ang nais mabago ni Atty. Sunshine Abcede-Llaga bilang pagtatapos sa ikasiyam na taon ng kanyang paglilingkod bilang konsehal ng Lucena-- na isa sa mga lungsod ng bansa na may pinakamataas na literacy rate, mahigit 98% at tiyak na may mapupulot na aral at pamamaraan sa pamamahala kung pakikinggan ang ilalahad ng populasyon nito.
Nag-iisa siya-- walang bise-alkalde ni mga kasamang konsehal-- sa kanyang kandidatura bilang punong-lungsod ng Lucena: "Alam natin ang ating sinusuong. Wala po akong kasamang bise, walang konsehal. Ang inaasahan kong makakasama ay bawat Lucenahin, dahil iyon ang pangarap ko.
"Kailan po ba tayo nagkaroon ng gobyerno na nagtanong sa atin, 'Ano ba'ng gusto mo? Ano ang kailangan mo?' at nang sa gayon ay makasama ka rin sa pamamahala, sa paglilingkod sa kapwa, iyon ay para kasama ka sa ikaaangat ng pamumuhay ng bawat isa," ani Abcede.
Sa naging kasabihang pamumuhay na isang-kahig-isang-tuka-- survival mode-- nakatuon ang alalahanin at saloobin ng karaniwang tao, batay sa mga natukoy ng isang nationwide survey, saad ni Abcede.
Apat ang pangunahing hiling ng taumbayan-- (1) makaiwas, maging ligtas sa sakit o karamdaman, (2) magkatrabaho para matustusan ang mga pangangailangan, (3) sapat na pagkain sa hapag, at (4) pantustos sa pag-aaral ng mga supling.
Mapapansin marahil na wala sinuman sa mga umaasinta na mahalal na konggresista, senador, o maging pangulo ng bansa ang naglapag ng plataporma na batay sa pinakamatinding pangangailangan ng taumbayan.
'Makinig sa taumbayan'
Pahayag ni Abcede, 45: "Isang karapat-dapat na pinuno ang kailangan ng Lucena. Isa lang po akong aplikante para sa ganoong trabaho."
Supling ang batang Abcede ni human rights lawyer Ed Abcede, hinirang na officer-in-charge ng Lucena matapos ang payapang 1986 People Power Revolution na nagpatalsik sa diktadurang Ferdinand Marcos.
"Sa halalan, idudulog mo ang iyong kakayahan at karanasan upang matanggap sa trabahong paglilingkod sa kapwa mo. Mga botante ang magpapasya kung karapat-dapat kang tanggapin nila," diin niya.
"Hindi tayo nakahiwalay sa kailangan ng taumbayan, lalo na sa kanilang mga problema, kasama tayo sa paglutas nito," dagdag niya. "Walang iisang tao ang may sagot at magandang layunin."
Batay sa mga lumutang na hangarin ng mga mamamayan, sinabi ni Abcede na "dapat unahing tugunan ang usaping pangkalusugan ng bayan. Para sa kalusugan ang unang hakbang. Kailangang ilapit sa tao upang maabot ang health care. Kailangang makinig sa taumbayan."
Kabilang si Abcede sa 15 halal na babaeng lider sa buong bansa na pinili ng University of the Philippines Centre for Women’s and Gender Studies at UP Centre for Women’s Studies Foundation, Inc., sa pakikiisa ng Canada Fund for Local Initiatives at ng Tanggapan ng Pangalawang Pangulo Leni G. Robredo.
Nitong nagdaang taon, sumailalim si Abcede at 14 na babaeng lider sa Angat Bayi Political Empowerment Fellowship for Elected Women Leaders-- hinasa sila sa intensive and exclusive leadership courses mula sa mga bihasa sa academe at pamamalakad ng pamahalaan.
Sa konseho ng lungsod, naglingkod siya bilang tagapangulo ng Committee on Social Welfare, PWD’s, Senior Citizens, Women and the Family. Bago pa man lumahok sa pulitika, maraming taon ang kanyang ginugol sa pamumuno sa non-government organization (NGO) na nagtataguyod ng mga karapatan at kapakanan ng taumbayan.
'Kayo ang eksperto'
Bagaman kasapi siya sa Liberal Party, minabuti niyang ilunsad ang kanyang kandidatura sa bandila ng bagong tatag na Katipunan ng Nagkakaisang Pilipino, na pulos volunteers ang mga kasapi.
"Kayo ang mga tunay na eksperto sa inyong kalagayan, hindi ang sinuman. Matagal na pamamaraan ang pagbabago at pag-angat ng ating kamalayan pero dapat nang simulan.
"Kapag may collective vision-- nagkakaisang adhikain sa pamamalakad ng gobyerno, mas malayo ang ating mararating," giit ni Abcede.
No comments