by PIO Los Baños October 5, 2021 Ang Pamahalaang Bayan ng Los Banos sa pamamagitan ng Tanggapan ng Nutrisyon ay sinimulan ang pamimigay ng h...
October 5, 2021
Ang Pamahalaang Bayan ng Los Banos sa pamamagitan ng Tanggapan ng Nutrisyon ay sinimulan ang pamimigay ng hot meals at nutribanos sa mga piling benepisyaryo. |
LOS BAÑOS, Laguna – Isa sa mga nagpapatuloy na gawain ng bayang ito upang isulong ang wastong nutrisyon sa kabila ng pandemya ay ang isinasagawang Dietary Supplementation Program ng Los Baños Municipal Nutrition Office.
Ayon kay Municipal Nutrition Action Officer (MNAO) na si Madeleine Alforja, ang programang ito sa ilalim ng Nutribaños Project ay kanilang iimplementahin hanggang sa katapusan ng Nobyembre ngayong taon.
“Ang dietary supplementation program ay isa sa mga nutrition sensitive program sa ilalim ng Philippine Plan of Action for Nutrition na may direktang implikasyon sa estadong pangkalusugan ng mga benepisyaryo,” paliwanag ni MNAO Alforja.
Hinihikayat aniya ang buong kooperasyon ng lahat nang mga magulang at mga buntis na benepisyaryo upang maging matagumpay ang programa.
Dagdag pa niya, “hiling rin ng aming Tanggapan ang buong kooperasyon ng Barangay Nutrition Committee (BNC) at Barangay Nutrition Scholars sa pag-monitor ng mga benepisyaryo. Maraming salamat po!”
Aniya ang kanilang mga benepisyaryo sa nasabing programa ay umaabot sa 105 mga bata at 80 mga buntis na may kabuuang 185 na indibidwal.
Nagsagawa ang kanilang tanggapan ng profiling ng mga impormasyon ng mga nasabing benepisyaryo at kinuha nila ang anthropometric measurement ng mga ito bago pa ang kanilang isinasagawang feeding o pagpapakain sa mga ito.
Ang distribusyon ng masustansyang Nutribaños, ang tawag sa masustansyang tinapay na mismong ang Munisipyo ang nagproprodyus, at mga pagkaing kalakip nito gaya ng lugaw at spaghetti ay tatlong beses sa isang Linggo. Buwanan naman ang kanilang weight monitoring upang masigurong natutugunan ang pangangailangang pangnutrisyon ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga pagbabago at improvement sa kanilang timbang at kabuuang kalusugan.
Sa kabila ng banta ng COVID-19 ngayong nahaharap tayo sa pandemya, hindi mapipigil ang pagsisikap ng pamahalaang bayan ng Los Baños, sa pamumuno ni Mayor Antonio L. Kalaw, katuwang ang Tanggapang Pangnutrisyon sa pagtataguyod sa mga programang pangnutrisyon lalo na at ang pinakamabisang panlaban sa virus ay ang malusog na pangangatawan.
No comments