by Dong de los Reyes October 18, 2021 Kagawad Godison Gunda Dimaculangan LUNGSOD NG LUCENA - Isang ama, matatag at matibay na haligi ng kany...
October 18, 2021
Kagawad Godison Gunda Dimaculangan |
LUNGSOD NG LUCENA - Isang ama, matatag at matibay na haligi ng kanyang tahanan ang umaamot ng katiting mang tulong sa kanyang kapwa karaniwang taumbayan-- iyan po ang tahasang sukatan at saligan ng pagkilala't masusing pagkilatis sa naghahangad na maging lingkod-bayan.
Giit ng paham na si Plato, higit na kakayahan ang kailangan sa mahusay na pagpapalaki ng supling at mas mahalaga ang tungkuling ito kaysa pamumulitika, pagbalangkas ng mga patakarang pambayan, pakikidigma, diplomasya, at samut-saring pasanin kaugnay sa mainam na pamamalakad ng pamahalaan.
Para naman sa pantas na Mencius, "Bansa ang sandigan ng kaharian. Nakasalalay ang bansa sa pamilya. Nakatindig ang pamilya sa haligi ng tahanan." Pansinin na tatlong magkakapatong na bigat ng responsibilidad ang tinukoy ng pantas-- bansa, pamilya, at tahanan. Pinakamabigat na pasanin ang taglay ng haligi ng tahanan-- sa kanyang balikat nakasalalay ang pagtindig at pagsulong ng tahanan, pamilya, at pati na ng sambayanan na bumubuo sa bansa.
Pansinin ang isang kakatwang paraan ng mga dambuhalang investment houses sa Hongkong-- matutukoy na nakasunod sa mga bakas ng diwang inihasik ni Mencius. Uutang ng puhunan ang negosyante, dudulog sa dambuhalang investment house upang makahiram ng pantustos na puhunan, ni hindi na kailangan ang feasibility study o aalamin pa kung mahusay ang cash flow o pasok ng pera sa balak na negosyo. Aalamin lang kung sino ang ninunong lolo at ama ng negosyante-- sa pangalan ng mga naging haligi ng tahanan nakasalalay ang credit-worthiness ng uutang na negosyante, wala nang mabusising pagsisiyasat kung may kakayahan sa pagbabayad ng utang.
Kaya nga may katotohanan ang kasabihang "all politics is local" o lahat ng pamumulitika ay lokal, malapitan, bisig sa bisig at dibdib sa dibdib. Sa lokal na larangan halos magkakakilala ang mga taumbayan, banggitin lang ang pangalan ng sinuman-- lubusang hinalughog at hinimay nang lubusan ang pagkatao't personal background.
Hindi pa man lumulublob ang karamihan sa panahon ng Facebook, Twitter, Internet at social media, ang bagwis at bigwas ng balita ay pumapagaspas na sa mga pamayanan-- nalalantad at nalalahad pati likaw ng bituka't ilandang ng kokote ninuman, walang maipagkakaila, walang mabibihisan ng hubad na karangyaan o huwad na dangal.
Kagawad ng Barangay 9
Matagal ding nanungkulan bilang kagawad ng Barangay 9 sa lungsod ng Lucena si Godison Gunda Dimaculangan, edad-42, mas kilala sa palayaw na Gaddy-- tumatayong tagapangulo ng lupong pangkapayapaan at kaayusan.
At nais niyang higit na marami pang bilang ng kanyang mga kababayan ang mapaglingkuran-- kaya iniluluhog niya ang kanyang kasanayan, karanasan, at kakayahan sa pagbalangkas ng mga patakaran mula sa barangay patungo sa konseho ng Lucena. 'Yung mga patakaran na kapit na kapit sa kapakanan ng taumbayan, mula sa barangay hanggang sa nasasaklaw ng lungsod na mga pamayanan.
Aniya, "nakita mo 'yong kalagayan sa barangay bilang isa sa mga pinuno ng barangay, at nais mong maging boses ka sa konseho upang mas lalo pa mapaganda ang programa ng buong lungsod."
Hindi masasagap ang kumpirmasyon ng track record o mga nagawa ng isang lokal na kandidato sa samut-saring tagapahayag ng balita. Doon pa rin sa sariling lugar na kinikilusan at pinaglilingkuran lubusang makikilatis ang katauhan ng sinuman.
Batay nga sa Pulse Asia Research survey nitong Setyembre 2021, 25% lang ang sumasagap ng ulat mula sa lokal na TV network samantalang 32% lang ng mga karaniwang tagapakinig ang inaabot ng mga lokal na radio stations. Sa mga lalawigan tulad ng Quezon at lungsod sa lalawigan gaya ng Lucena, 62% ang iniulat na nararating ng mga balita kaugnay sa pulika mula sa mga kamag-anak, kakilala, at pamilya. Sa pagpapalaganap ng balita, pabatid, paunawa't patalastas, talagang mas matindi ang saklaw ng mga kaanak, kakilala, at pamilya. Lalo lang matatanto ang kasabihan, "all politics is local."
May alinlangan man sa sarili si Kagawad Gaddy, ginaganyak siya ng mga talagang kilala't kilatis na ang kanyang ibubuga. Anila: "Pwede mo po banggitin 'yong mga na ipinagkaloob namin sa 'yo; napagtibay mo ang samahan ng mga kagawad na naging daan upang mapabilis ang ilang usaping pangkaayusan at katahimikan Ng mga barangay, mas naging mabilis ang pakikipag- ugnayan Ng mga alagad ng batas at barangay officials."
Payak ang plataporma o nais isakatuparan ni Kagawad Gaddy para sa Lucena City.
Kapayaan at katiwasayan pa rin na gamay na niya: "Para mas mapanatili ang kaayusan at katahimikan ng Lucena City, pati na pagtugon sa darating at darating na mga hagupit ng anuman, "programang pangkalamidad upang sa ganon eh makatulong tayo sa oras na may kalamidad na darating sa ating lungsod; gano'n din po para sa mga Covid marshalls natin at mga frontliners."
Mula Barangay 9, balak niya na palawakin pa sa buong Lucena: "Pagpapatuloy po natin ang Food Feeding program na ating ginagawa ngayon sa panahon ng pandemya."
May katwiran sina Plato at Mencius-- talagang nagmumula sa malasakit sa sariling tahanan ang punyagi upang pasanin ang bigat ng tungkulin para sa bayan.
No comments