Page Nav

HIDE


Breaking News:

latest

Ads Place

Kulay ng katotohanan sa ating lalawigan

by Dong de los Reyes November 25, 2021 VP Leni Robredo (Photo by Jake Vinz) LUCENA CITY - "Sabihin ang katotohanan. Kawawa ang kababaya...

by Dong de los Reyes
November 25, 2021



Kulay ng katotohanan sa ating lalawigan
VP Leni Robredo (Photo by Jake Vinz)





LUCENA CITY - "Sabihin ang katotohanan. Kawawa ang kababayan natin na maniniwala sa kasinungalingan."

Ganitong mahalagang tagubilin ang ipinahayag ni VP Leni Robredo sa kanyang pakikiniig at pakikinig sa tinig ng taumbayan sa lalawigan ng Quezon, na umapaw sa kulay ng mapusyaw na rosas, at napuspos ng pakikipag-ugnayan sa mga taga-lalawigan.



Masigabo ang pagsalubong kay Robredo, ang pangunahing kandidato sa pagka-Pangulo ng bansa. Hitik sa tuwa at magiliw na pakikiisa sa mga supling ng lalawigan.

Naunang nakipag-usap sa mga magsasaka ng Sariaya. Tumuloy kagyat sa Lucena, sa Barangay Isabang na samut-saring sektor ang naghintay sa kanya upang makapiling, makapulong-- mga kabataan, kababaihan, LGBT, mga kasapi at kagawag ng iba't ibang kooperatiba.



Nakipagpalitan ng kuro-kuro hinggil sa mga gawaing pambayan, at binigyan siya ng basbas ng Lucena Diocese Bishop Rev. Mel Rey Uy; saka tumulak sa Sacred Heart College na may mga naghihintay din sa kanyang mga supporters mula pribadong sektor. Nasundan ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtalakayan sa kababaihan.

Hindi rin pinalampas ni Robredo ang pakikihalubilo sa hanay ng mga medical front liners at ang nasa socio-civic organization na isinagawa ang programa sa St. Anne College sa Barangay Gulang-Gulang ng Lucena.



Sa isang nakaraang panayam ni Tito Ojeda, kinikilalang haligi ng broadcast industry sa Katimugang Tagalog, at ni station manager Violet Cabral ng DCG Radio-TV Network sa Tayabas City, tinukoy ni Robredo na ipagpapatuloy niya ang pagbawi sa mga kayamanang kinulimbat ng rehimeng Marcos, sakaling mahalal siyang Pangulo ng bansa.

“Tututukan 'yun ng pamahalaan hindi dahil sa kalaban ko sila. Tututukan 'yun dahil kailangan nating mabawi ang nakaw na yaman," aniya.

“Sisiguruhin natin na mabawi natin yun kasi madaming tao ang naghihirap, nawalan ng hanapbuhay,” dagdag ni Robredo.

Patuloy pa rin ang Presidential Commission on Good Government na nilikha noong 1986 na mabawi ang mahigit P125 billion halaga ng ari-arian ng mga Marcos na itinuturing na bahagi ng kayamanang kinulimbat at patuloy pa ring sumasailalim ng paglilitis ng hukuman.

Batay sa mga kinalap na datos ng Guinness Book of World Records, numero uno-- at wala pang sinumang tulisan-- sa pinakapusakal na mangungulimbat sa buong mundo ang dating diktador, na ama ng anak na lalaking Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kandidato rin sa panguluhan ng bansa.

Mahigit 400,000 lang ang bilang ng mga botante sa lalawigang Quezon na susuri sa mga inilalahad ng mga tumatakbong kandidato.

Kulay ng katotohanan

Iginigiit ng anak ng diktador na kuwentong kutsero lang ang naturang pandarambong.

“Hindi totoong intriga yun. Madami nang kaso na ipinanalo na ng pamahalaan laban sa kanila pero hindi pa nila naibabalik ang lahat ng ninakaw nila,” diin ni Robredo.

Walang natapos sa kolehiyo ang anak ng diktador; abogado si Robredo na mayroon pang ilang master's degree sa kolehiyo.

Tinukoy niya na lahat ng records kaugnay sa mga yamang kinulimbat ng diktadura ay kumpleto at buong-buo pa rin.

"Nakakalungkot na pumapayag ang maraming mamamayan na sila ay mapaglalangan, mapaglakuan ng mga kasinungalingan. May mga naiisip na kapag iniluklok nila ang ganoong kandidato, masasagip ang bansa. Pero kapag sinuri ang mga records, matutukoy na ang mga kinulimbat na yaman ang sanhi ng kanilang paghihirap," pagtutuwid ni Robredo.

Nagpingkian na sina Robredo at ang anak ng diktador nitong 2016 sa pagkabise-presidente ng bansa; nanaig ang abogado sa walang natapos sa kolehiyo ng may 260,000 boto.

Sa pinakahuling ulat ng Social Weather Stations batay sa survey na isinagaga nitong Oktubre 20-13, angat si Marcos sa mga kandidato sa pagkapangulo-- 47% ang kiling sa kanya, 18% ang panig kay Robredo.

Sa ulat naman ng Publicus Asia, isang research firm, 49.3% ang maka-Marcos, 21.3% kay RObredo.
Pero hindi nababagabag si Robredo sa mga resulta ng survey. Noon kasing 2016, lumabas sa mga survey na siya ang kulelat sa anim na kandidato.

“Malaking bagay sa pagkapanalo ko noong 2016 ang pagkapanalo ko sa Bicol. Kapag ang Bicol ay nag-all-out sa akin, malaking bagay yun pantapat sa Solid North,” ani Robredo.

Laban para sa kinabukasan

“Tumitingin ako sa mga posts ng mga #kakampink mula Luzon, Visayas, at Mindanao, at di ko mapigil na maluha” pahayag ni Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.

“Tumindig tayo at may tumindig sa tabi natin. Ang gaang sa loob kapag alam mong hindi ka mag-isa. Tuloy lang ang pag-uusap at pagmamahal. Dadami pa tayo," dagdag niya.

Sa kanyang pahayag sa Twitter, Manuel L. Quezon III, kolumnista at apo ng yumaong pangulo ng malasariling Pilipinas, ang nakita niyang parada ng mga nagtataguyod kay Robredo sa may 50 lalawigan ng bansa ay palatandaan na "ang imposible ay posible na ngayon, at ang lumupig noon sa ating buhay ay maitataboy."

No comments

Latest Articles

#SentinelTimes is Quezon Province #1 Regional Weekly Newspaper.

We're in print, website, and radio. We will bring you the latest news and updates at your fingertips.

SERVICES OFFERED:
• Commercial Advertisements (Print, Radio, Website)
• Subscription
• Extra-judicial Settlement / Partition of Estate (land, bank account, share of stock)
• Deed of Sale (motor vehicle)
• Notice of Affidavit of Loss
• Change of First Name, Birthdate, and Gender
• Invitation to Bid
• Provincial / City / Municipal Ordinances
• Public Announcements
• Sponsored Content
• and more...

EDITORIAL OFFICE ADDRESS: Sentinel Times Quezon Province Regional Weekly Newspaper is published at Dau St. Calmar Subd. Brgy. Mayao Kanluran, Lucena City, 4301 Quezon Province, Philippines
TELEPHONE: 042-717-6108
CELL: 0927-938-5896
E-MAIL: sentineltimes@yahoo.com
WEBSITE: www.sentineltimes.net/
SOCIAL MEDIA: @stcalabarzon

Disclaimer. The opinions expressed in this publication are those of the authors. They do not purport to reflect the opinions or views of the Sentinel Times or its members.