by Henry Buzar November 25, 2021 Wala ng iba pang mas masarap sa pakiramdam kung magpapasko kundi ang pestihin tayo ng karoling ng mga bata ...
November 25, 2021
Wala ng iba pang mas masarap sa pakiramdam kung magpapasko kundi ang pestihin tayo ng karoling ng mga bata at minsan naman matatanda. Nakukulitan tayo ngunit may impis na ngiti sa ating mga mukha na nagpaparamdam na malapit na nga ang Pasko.
Si Undersecretary Jonathan Malaya ng DILG ay nagpahayag na papayagan ang tradisyonal na karoling sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2. Ang mga papayagang mangaroling ay dapat na bakunado at sumusunod sa mga karampatang protocols. Sigurado naman ako na habang tumatagal ay mababawasan ang mga restriksyon ipatutupad ng mga awtoridad kagaya rin sa mga maraming mga batas na hindi naman sinusunod ng Pinoy.
Sa nalalapit na kapaskuhan, magiging masaya ang mga bata sa kadahilanang makakagala na muli sila pagkatapos ng halos dalawang taon na pagtatago kay Covid. Ngunit, sa aking palagay ay dapat maghinahon muna tayo at obserbahan kung bababa pa ang aktibong mga kaso ng mas mababa sa isang libo bago tayo tuluyang magdiwang.
Kataka-taka din naman kung paanong sumirit pababa ang mga kaso sa Pilipinas. Ito ba ay sa kadahilanang yong mga matitigas ang ulo na hindi sumusunod sa atas ng pamahalaan ay halos nabakunahan na? Tinamad na bang magreport ang mga laboratoryo sa iba’t ibang rehiyon ng bansa kaya bumaba ang mga kaso?
Kung papansinin natin, mataas pa rin naman ang bilang ng mga namamatay at umaabot pa sa mahigit isang-daan kumpara sa mga karatig na bansa na mas mataas ng konti ang aktibong mga kaso ngunit napakababa naman ang mortalidad.
Sa ginawang pag-aaral ng BBC hinggil sa Covid-19 sa buong mundo, makikita na napakataas pa rin ng “infection rate” sa Europa at katabing mga bansa. Sa Germany, nagbabala ang mga health authorities na maaring humaharap na sila sa ika-limang alon ni Covid.
Lumalabas sa mga datos (imahe 1-3) na makikita dito, na ang trend cases sa Europe ay napakataas (image 1). Ang average sa Europe ay umaabot ng 23,000 aktibong kaso kada araw kung saan ang Russia ang may pinakamataas. Limiin din na ang mga bansang ito ay mataas ang antas ng mga nabakunahan na.
Sa imahe 2, ang Mongolia kasama na ang Pilipinas ay may average lamang na 1,500 kaso kada araw. Makikita din sa datos na ang Indonesia ay may 544 na kaso lamang.
Sa pangatlong imahe, makikita natin na mababa rin ang mga kaso sa Caribbean at Latin America maliban sa Brazil na may sampung-libong mga aktibong kaso pa kada araw.
Kung patuloy ang pagtaas ng mga kaso sa Europa at ganon din naman sa US na sa kasalukuyan ay mayroong 83,651 na kaso ngayong araw ng Huwebes (Philippine time) , maaring sumunod na muli ang Asia. Sa China, kakarampot na mga kaso ang naitala at sa pamamagitan ng kanilang bagong mga gamot sa Covid-19 na DXP-604 ay napigilan kahit na ang mga strain ng Delta virus.
Hindi pa rin naman nababago ang aking “forecast’ tungkol sa Covid-19 na sa taong 2022 ay tuluyan ng magagapi ang Covid-19 sa kadahilanan ngang akin ng nabanggit noong una pa na lalabas na sa susunod na taon ang mga pildoras na mangagaling sa iba’t-ibang mga bansa at hindi na mangangailangan pa ng bakuna.
No comments