by PIO Lucena/Josa Cruzat November 9, 2021 LUCENA CITY - Binigyang parangal ang Top Business Taxpayers ng lungsod sa naganap na Linggo ng Lu...
November 9, 2021
LUCENA CITY - Binigyang parangal ang Top Business Taxpayers ng lungsod sa naganap na Linggo ng Lucena 2021 Awarding Ceremonies bilang selebrasyon ng ika-animnapung taong pagkakatatag ng Lungsod ng Lucena kamakailan.
Sa naturang seremonya ay nakatanggap ng plake ng pagkilala ang Top 20 Business Taxpayer Awardees para sa National Category o iyong mga nasyunal na negosyo na siyang dinadala sa iba’t-ibang bayan sa bansa gayundin ang Top 20 Business Taxpayer Awardees para naman sa Homegrown Category na siya namang mga lokal na negosyo na nakalagak sa bawat barangay na nasasakupan ng lungsod ng Lucena.
Pinangunahan ni Mayor Roderick ‘Dondon’ Alcala ang paggawad ng parangal sa mga ito kasama si Kuya Mark Alcala, City Administrator Anacleto ‘Jun’ Alcala Jr., mga konsehal ng lungsod, at ng OIC ng City Treasurer's Office na si Lerma Fajarda.
Sa naging pananalita ni Mayor Alcala ay hinangaan nito ang tatag ng komersyo ng mga business establishments sa lungsod kaya naman aniya ay nagpapatuloy ang daloy ng lokal na ekonomiya.
Aniya ang Gawad Parangal na handog ng Pamahalaang Panlungsod para sa mga negosyante, imbestor, at business establishments na siyang mga pinakamataas na nagbabayad ng buwis para sa taon na ito ay bilang tanda ng hindi matatawarang ambag ng mga ito para maipagpatuloy ang takbo ng ekonomiya ng Lucena sa gitna ng krisis pangkalusugan dulot ng covid-19.
Sa pamamagitan ng pagpupugay na ito ng lokal na pamahalaan ay nabibigyan ng mataas na moral ang mga negosyante na siyang magbibigay katatagan sa mga ito na ipagpatuloy ang pakikiisa sa pagsusulong na mapataas ang ekonomiya sa lugar.
Ang tagumpay na ito aniya ng mga naturang negosyo sa lungsod ay kabuuang tagumpay din ng Bagong Lucena tungo sa patuloy na pag-unlad nito.
No comments