Page Nav

HIDE

Breaking News:

latest

Ads Place

Lider sa unos ng krisis

by Dong de los Reyes December 8, 2021 Gov. Danilo "Danny" Etorma Suarez LUCENA CITY - Nakipagmatigasan ang walong bokal ng Quezon ...

by Dong de los Reyes
December 8, 2021


Lider sa unos ng krisis
Gov. Danilo "Danny" Etorma Suarez





LUCENA CITY - Nakipagmatigasan ang walong bokal ng Quezon na hindi palulusutin ang 2021 budget, kahit pa ipinag-utos na nitong Disyembre 2020 ng Department of Interior and Local Government na aprobahan na nila ang gugugulin ng lalawigan upang makatugon sa mga pangangailangan kaugnay ng humahagupit na pandemya.

Political tug of war ang nasaksihan ng lalawigan-- kailangang magpalapad ng papel ang mga naturang bokal, ipakita sa balanang botante na kaya nilang durugin ang punong lalawigan, Danilo "Danny" Etorma Suarez. Na napilitang maghagilap ng pantustos na pondo para tugunan ang hagupit ng pandemya, mapasahod na mahusay ang mga frontliners, makapagsagawa ng malawakang pagbabakuna sa mga taga-Quezon. Wala sa takdang tungkulin ng alinmang bokal ang ganoon.



Napilitan na rin si Gov. Suarez na maghain ng reklamo laban sa walong bokal sa Ombudsman-- abuse of authority, oppression, grave misconduct. Kasong administratibo, tiyak na higit 10 taon bago makapaglapag ng hatol, o uugod-ugod na sa katandaan ang mga kinasuhan at nagsampa ng kaso.

Marahil, matang-lawin naman ang nakatalagang sangay ng Commission on AUdit (COA) sa kapitolyo, tiyak na sakote o salakab ang anumang hokus-pokus sa pondo ng lalawigan. Pero bale-wala na yata sa mga bokal, kursunada lang na dikdikin si Suarez, kung maaari ay ibulid sa bangin para hindi makabangon. Bisperas na taon nga naman ng eleksiyon. Kailangang magpakitang-gilas sa mga botante.



Isang posibilidad: Suspendido ng DILG ang mga bokal, basa pa ang kanilang papel, kahit hindi pansinin ang ganoon ng mga botante.

Mas matinding posibilidad. Lalo lang aangat ang pagtingin ng Quezon sa kanilang punong lalawigan kahit pa ininda niya ang pakikipagsalpukan sa mga bokal.



At ang pinakamasakit na posibilidad: permanent disqualification para manungkulan sa walong bokal kapag naglapag na ng kahatulan ang Ombudsman.

Tibay sa tibay-- matira ang matibay

Tinukoy ni Suarez na ang pandemya ang naging batayan para masukat ang kakayahan ng sinumang kandidato para pamunuan ang sambayanan: "Tinabunan tayo ng samut-saring suliranin. Karamihan sa mga patakaran para tugunan ang Covid-19 ay nasalalay sa kamay ng mga local government units.

"Hindi na kailangang tumanaw sa malayo dahil sa mga lokal na komunidad makikita ang mga ginagawa at kakayahan ng ating mga kandidato, kasi ang naging tahasang tugon sa Covid-19 ay umiinog lang sa pagpapatupad ng minimum health protocols, community lockdowns, pamamahagi ng bakuna at ayuda, at suporta sa mga ospital at health facilities.

"Apat na buwan pa at dalawang taong singkad na ang Covid-19 pandemic. Marami tayong masaklap na dinanas sa pagsagupa sa virus, Nabigla tayo, nabunyag ang mga pagkukulang sa ating health care system, pati na sa pagtugon ng gobyerno," aniya.

"At ngayon nga, natukoy natin ang mga kakayahan, kahusayan, at karanasan ng ating mga halal na pinuno. Nakita natin ang mga inuunang gawin, mga diskarte, at pamamalakad na ginawa ng ating mga pinuno sa gobyerno, lokal man o pambansa.

"Hindi na lingid sa atin ang bilis at kahusayan-- o kawalan nito-- sa kanilang mga programa. Alam na natin ngayon kung nagpapahalaga sila sa kapakanan ng taumbayan at paglilingkod sa bayan," dagdag ni Suarez, parang parunggit sa mga nagwalang-bahala sa kaligtasan ng balana nang harangin ang budget ng lalawigan, na nakatugon sana sa maraming pangangailangan.

"Nagsimula na po ang yugto ng pangangampanya ng mga kandidato. Makikilatis na natin sila, at sana'y mahalungkat natin sa likod ng mga campaign jingles, mga talumpati, at mga pangako ang kanilang tunay na kalibre.

"Marami nang pagsisiyasat ang umungkat sa gawi ng mga botante. Napansin na popularidad at public image pa rin ang pangunahing batayan ng botante. Natukoy din ang paghimok ng mga malapit na kakilala, pati na antas ng edukasyon, karanasan sa pamamahala, at mga inilatag na plataporma.

"Pero dapat na tayong matuto batay sa karanasan. Pinakamatingkad na pamantayan ang pandemya sa kakayahang kumilos at magmalasakit sa taumbayan. Ungkatin natin ang ginawa ng ating mga pinuno para tumugon sa pandemya. Kilatisin natin ang kanilang intensiyon. Huwag nang magpabola sa propaganda. Makikita naman ang kanilang ginawa sa taon ng kanilang paglilingkod sa taumbayan," diin ni Suarez.

Karaniwang tao, di-pangkaraniwang lider

Pinansin niya na "lupaypay na sa pagod ang maraming frontline healthcare workers, may mga sumuko na sa bigat ng gawain habang naghihintay sa kanilang sahod; maraming nawalan ng trabaho at kabuhayan, at maraming pamilya ang nagluluksa sa pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay. Marami pa rin ang iginugupo ng Covid-19, krisis na humahamon sa ating kakayahan para magmalasakit, umunawa sa kapwa na sumasagupa sa pandemya.

"Nakakapanlumo na sa ganitong kalagayan, may mga kagawad ng Sangguniang Panlalawigan na nagwalang bahala para maipasa ang Covid-19 budget, at patuloy na hindi sumisipot sa mga pulong o talakayin ang krisis na ito, ang ganitong asal ay karima-rimarim na pagpapabaya, paninikil, at abuso sa poder.

"Nakailang ulit nang nanikluhod ang punong lalawigan sa Sanggunian na bumalangkas ng budget para makapagtustos ng sapat na gamot, hospital beds, personal protective equipment, at oxygen tanks... pero nagtaingang kawali lang sila, walang ginawa.

"Nagtangka pa rin na pagtugmain ang mga umano'y sablay sa budget para maibsan ang dagok ng pandemya sa kabuhayan, sa mga karaniwang kawani, maliliit na negosyo, at sakahan, walang kibo lang ang Sanggunian. Kahit pa nag-utos na ang DILG at mga alkalde sa lalawigan upang maipasa na ang budget ordinance, tahasan nilang tinanggihan, ni ayaw talakayin," himutok ni Suarez.

Karaniwang tao lang si Suarez na nagtaguyod para sa kalikasan sa kabuuan ng kanyang pagiging lingkod-bayan. Kinalaban niya ang tagibang na pagpapatupad ng Kaliwa Dam Project na nais ipatupad ng isang kompanya mula China-- sinalungat ang mismong Pangulong Duterte na nagsusulong nito-- at iginiit na kayang gawin ang Kanan Dam Project ng mga kompanyang Pilipino.

Palaban talaga: sinalungat ang importasyon ng palm oil na gumugupo sa lokal na industriya ng kopra at langis ng niyog.

Isinulong ni Suarez ang pagbusisi sa pag-angkat ng murang palm oil noon pang 2013 dahil ibinabagsak ng naturang pag-angkat ang presyo ng kopra.

Working student si Suarez, pumasok sa sari-saring trabaho-- naging limpia bota o shoe shine boy, naglako ng diyaryo, at naging hotel bell boy.

No comments

Latest Articles

#SentinelTimes is Quezon Province #1 Regional Weekly Newspaper.

We're in print, website, and radio. We will bring you the latest news and updates at your fingertips.

SERVICES OFFERED:
• Commercial Advertisements (Print, Radio, Website)
• Subscription
• Extra-judicial Settlement / Partition of Estate (land, bank account, share of stock)
• Deed of Sale (motor vehicle)
• Notice of Affidavit of Loss
• Change of First Name, Birthdate, and Gender
• Invitation to Bid
• Provincial / City / Municipal Ordinances
• Public Announcements
• Sponsored Content
• and more...

EDITORIAL OFFICE ADDRESS: Sentinel Times Quezon Province Regional Weekly Newspaper is published at Dau St. Calmar Subd. Brgy. Mayao Kanluran, Lucena City, 4301 Quezon Province, Philippines
TELEPHONE: 042-717-6108
CELL: 0927-938-5896
E-MAIL: sentineltimes@yahoo.com
WEBSITE: www.sentineltimes.net/
SOCIAL MEDIA: @stcalabarzon

Disclaimer. The opinions expressed in this publication are those of the authors. They do not purport to reflect the opinions or views of the Sentinel Times or its members.