by PIO Lucena/Josa Cruzat December 16, 2021 LUCENA CITY - Matagumpay na isinagawa kamakailan ang pagbubukas ng Project 6Ks: Kaguruan, Kabata...
December 16, 2021
LUCENA CITY - Matagumpay na isinagawa kamakailan ang pagbubukas ng Project 6Ks: Kaguruan, Kabataan at Kabarangay Kaagapay Ko sa Karunungan sa Barangay Ilayang Talim na siyang ginanap sa Session Hall ng Tanggapang Pambarangay nito.
Ang naturang proyekto na ito ay naging posible sa pakikipagkatuwang ng Pamahalaang Pambarangay sa pangunguna ni Kapitan Darwin Sevilla at ng Paaralang Elementarya ng Ilayang Talim bilang kaugnay ng Project 4Bs: Bawat Bata Bumabasa Bumibilang at Sumusulat.
Sa isinagawang pagbubukas ng proyekto ay nagbigay pananalita si Kapitan Sevilla kung saan ay nagpahayag ito ng isandaang porsyentong suporta sa kabuuan ng proyekto sa kagustuhan na mabahaginan ng dagdag kaalaman ang mga batang mag-aaral ng barangay.
Gayundin naman ay nagpaabot ng mensahe ang Punong Guro ng nabanggit na paaralan na si Gng. Cynthia Gimenez na sinundan ng pagpapahayag `ng rationale ng proyekto sa pamamagitan ni Gng. Myla Valdeavilla Roa kung saan ay kaniyang inilahad ang mga pangangailangan sa pagsasakatuparan nito.
Aniya ay pangunahing layunin ng proyekto na mapaunlad ang kakayahan sa pagbabasa ng Filipino at Ingles ng mga struggling readers na mag-aaral sa una hanggang ikatlong baitang.
Gayundin ay upang mapataas ang lebel sa numeracy ng mga non-numerate at emergent na mag-aaral sa kaparehas na mga baitang at maipakilala at mabigkas ng mga nasa Kindergarten ang tunog ng mga letra sa alpabeto.
Ipinaliwanag din naman ng mga guro ang magiging schedule ng oras sa buong araw ng mga tuturuang mga bata upang maging maayos at matiwasay ang pagsasagawa ng proyekto.
Samantala, nakasama rin naman sa naturang pagbubukas ng Project 6Ks ang ilan pang mga opisyales ng barangay na kinabibilangan nina Kagawad Eric Espinosa, Kagawad Josephine Radones, SK Chairperson Patrick Edward Capistrano, at ang GPTA President na si Gng. Marisa Marcelino upang magpaabot ng kani-kanilang suporta.
Matapos ang maikling programa ay pormal ng pinasimulan ang naturang proyekto na siyang magiliw na pinaunlakan ng mga nagsipaglahok na mga mag-aaral.
No comments