by PIO Lucena/Josa Cruzat December 16, 2021 Konsehal Americo Lacerna LUCENA CITY - Isinagawa kamakailan ang isang Committee Hearing sa Sangg...
December 16, 2021
Konsehal Americo Lacerna |
LUCENA CITY - Isinagawa kamakailan ang isang Committee Hearing sa Sangguniang Panlungsod Session Hall sa Lucena City Government Complex hinggil sa panukalang pagtatayo ng Special Drug Education Center sa Barangay Market View.
Pinangunahan ng komite ng Peace and Order ang aktibidad bilang lead committee sa pamamagitan ng chairman nito na si Konsehal Americo Lacerna kasama ang komite ng Barangay Affairs gayundin ang iba pang mga opisyal na sina DILG City Director Danilo Nobleza, CADAC Operations Head Francia Malabanan, OIC ng Lucena PNP na si PLt. Col. Reynaldo Reyes, at ang representative ng City Legal na si Atty. Kits Lagman.
Dito ay nagkaroon ng pagkakataon si Kagawad Janinne ‘J9’ Napule na talakayin ang panukalang inakda nito na may titulong ‘An Ordinance Establishing a Special Drug Education Center in Barangay Market View’.
Binigyang paliwanag ng opisyal ang layunin nito na kung saan sa pamamagitan aniya ng pagtatatag ng center na ito ay matutugunan ang suliranin ng mga kabataan sa kanilang lugar na naugnay sa iligal na droga at iba pang krimen.
Kabilang aniya sa mga tututukan ng programa na ito ang mga out of school youth, street children, at pamilya ng Person Who Used Drugd o PWUDs.
Samantala, bilang resource speaker naman ay ibinahagi ni Malabanan na ang Barangay Market View ang kauna-unahang tumugon sa hamon ng tanggapan nito na makapagtatag ng nasabing center.
Ito aniya ay magsisilbing counterpart ng Balay Silangan na nakatayo ngayon sa Zaballero Subdivision sa Brgy. Gulang-gulang kung saan isinasailalim sa Community Based Rehabilitation Program ang mga menor-de-edad.
Inaasahan naman nina Napule at Malabanan ang katagumpayan ng panukala na ito para sa patuloy na ikauunlad ng mga magiging benepisyaryo nito.
No comments