by Rachel Joy Camar Gabrido January 24, 2022 Taus puso ang pasasalamat at komendasyon ng buong pamahalaang bayan sa katauhan ni Mayor Kalaw ...
January 24, 2022
Taus puso ang pasasalamat at komendasyon ng buong pamahalaang bayan sa katauhan ni Mayor Kalaw para sa lahat ng mga tao, institusyon at organisasyon na kabahagi ng tagumpay na ito. |
LOS BAÑOS, Laguna – Tinanggap ng pamahalaang bayan ng Los Baños, sa pangunguna ni Mayor Antonio “Kuya Tony” L. Kalaw, ang parangal na iginawad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna na personal na ibinigay ni Gobernador Ramil L. Hernandez noong nakaraang Disyembre 20 dahil ang bayan ng Los Baños ang Top Performing Municipality sa pagbabakuna sa buong Laguna.
Ang Los Baños ay naging Top Performer dahil sa ito ang nauna at sa ngayon ay tanging Munisipalidad na naabot na ang 100 porsiyento ng target population na nabakunahan ng isang dose at may pinakamataas na porsiyento ng nabakunahang fully vaccinated na umabot sa 80.13% mula sa target population batay sa pinakahuling ulat noong Disyembre 17, 2021, para sa Resbakuna Campaign.
“Ang Los Baños ay hindi naghangad na manguna kundi gampanan lamang ang ating sinumpaang tungkulin sa ating mga kababayan ng buong puso, ngunit lahat ng pagod, pawis at sakripisyo na walang hinihiling na kapalit ay tunay na may magandang resulta,” pagbibigay-diin ni Mayor Kalaw sa isinagawang LB Resbakuna Thanksgiving Ceremony na isang hiwalay na programa noong Disyembre 23, 2021.
Aniya hindi man isang siyudad ang Los Baños at hindi kalakihan ang pondo, sa pagtutulungan ng mga mamamayan, manggagawa, mga pribado at pampublikong institusyon at sektor, napatunayang higit pa ang maaaring marating at magawa ng isang bayan.
Maliban sa dalawang sertipiko ay pinagkalooban rin ng tseke ang pamahalaang bayan na nagkakahalagang P250,000.00 na magagamit sa mga programa para sa patuloy na paglaban sa COVID-19.
Pahayag ni Mayor Kalaw, “ang pagkakaroon ng agarang QR code registration system, ang systematic nating vaccination sites, ang pakikiisa ng UPLB sa pagpapagamit ng Copeland at ang pagpapahiram sa atin ng agarang storage facility ng IRRI, ang pagsusumikap ng ating mga empleyado na walang takot sa COVID at ang mga volunteer ng iba’t-ibang institusyon.”
Taus puso ang pasasalamat at komendasyon ng buong pamahalaang bayan sa katauhan ni Mayor Kalaw para sa lahat ng mga tao, institusyon at organisasyon na kabahagi ng tagumpay na ito.
Pangunahin na rito ang Municipal Health Office (MHO) at Rural Health Unit (RHU) ng ating bayan sa pamumuno ni Dr. Alvin Isidoro, lahat ng mga health worker at kawani ng Munisipyo na katuwang sa pagbabakuna, ang IRRI, Unibersidad ng Pilipinas Los Baños (UPLB), at iba pang mga ahensiya at organisasyon na naging kaagapay natin at tumulong sa LB Resbakuna.
Napakalaki rin ng naging papel ng Information and Communication Services Office (ICSO), sa pangunguna ni ICSO Head Jerry de Mesa, na silang nag-debelop ng sistemang ginagamit sa pag-schedule ng pagbabakuna sa bayan ng Los Baños, mula sa online pre-registration hanggang sa pagpapadala ng text message sa mga nagparehistro na naglalaman ng schedule at venue ng kanilang bakuna.
Dahil sa naturang sistema ay naging mas mabilis habang nasisigurong ligtas at naiiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa proseso ng pagbabakuna sa bayang ito.
Kaya naman kamakailan nga ay idinaos ng pamahalaang bayan ang LB Resbakuna Thanksgiving Ceremony upang kilalanin ang kanilang mahalagang kontribusyon sa kampanya at implementasyon ng pagbabakuna sa bayan ng Los Baños.
Ang kooperasyon rin ng mga mamamayan, ayon kay Mayor “Kuya Tony,” ay naging mahalagang sangkap sa tagumpay ng bayang ito.
Dahil dito, patuloy pa rin ang paalala mula ng Punumbayan sa mga mamamayan na makiisa sa LB Resbakuna, magpabakuna na kapag may pagkakataon at patuloy pa ring sumunod sa mga minimum health at safety protocol na ipinaiiral.
No comments