by Anne Garcia May 3, 2022 Nebuchadnezzar “Nebu” Salamat Alejandrino LUCENA CITY – Malinis, pinaka-tapat, pagsisimulan ng bagbabago at may ...
May 3, 2022
Nebuchadnezzar “Nebu” Salamat Alejandrino |
LUCENA CITY – Malinis, pinaka-tapat, pagsisimulan ng bagbabago at may taos sa pusong malasakit para sa kapwa lalo’t higit sa mga mamamayan ng probinsya ng Quezon. Ilan lamang sa mga salitang inilarawan ng mga taong lubos na nakakakilala kay Nebuchadnezzar “Nebu” Salamat Alejandrino.
Si Nebuchadnezzar “Nebu” Salamat Alejandrino, 70 taong gulang, isang tubong Lucenahin at tinatawag na “Anak ng Quezon” ay nangangarap na maging kinatawan ng Segunda Distrito ng probinsya ng Quezon sa mababang kapulungan ng kongreso ng Pilipinas, ay isa sa limang kumakandidato para dito sa darating na halalan at naka-rehistro sa ilalim ng pangalang “ALEJANDRINO, NEBU (IND)”.
Ibinahagi ni Nebu na siya ay tumatakbo bilang isang indepenyente at hindi nakahanay sa anumang partidong pampulitika, wala rin aniya siyang maraming salapi, daynastiya at makinaryang-politikal. Ang tanging mayroon lamang aniya siya ay ang kanyang pangarap, paniniwala at mga taong sumusuporta sa kanya na kaparehas niya ng pag-iisip, adhikain at pagmamahal sa kanyang Inang bayan.
Bilang isang miyembro ng Kapulungan ng mga Kinatawan, may pananagutan siya sa mga sumusunod: (1) Paglikha ng mga panukalang batas, pinagsanib na resolusyon, kapanabay na resolusyon, at mga simpleng resolusyon, (2) Pagrepaso sa badyet na ipinanukala ng sangay na ehekutibo at paglikha ng panukalang batas sa pangkalahatang apropyasyon, (3) Pagtalakay ng mga reklamo tungkol sa pagpapatalsik at pagsusumite ng resolusyon na nagtatakda ng mga Artikulo ng Pagpapatalsik, (4) Pagboto sa pagdedeklara na may umiiral na kalagayang nasa digmaan, (5) Pagpapahintulot sa pangulo na gamitin ang kapangyarihan sa pagtupad ng idineklarang pambansang patakaran sa panahon ng digmaan o iba pang pambansang kagipitan, (6) Pagboto sa pagpapatigil o pagpapalawig ng proklamasyon ukol sa batas militar ng pangulo, (7) Sa pamamagitan ng Komisyon sa Pagtatalaga, pagpapatibay o pagtanggi sa mga pangunahing pagtatalaga na ginawa ng pangulo sa mga ahensiyang pampamahalaan, (8) Pagboto sa pagkakaloob ng amnestiya ng pangulo, gayundin ang (9) Pagpapanukala ng mga enmiyenda at rebisyon sa Konstitusyon, pagboto upang mabuo ang isang konstitusyonal na asamblea o makapagpatawag ng isang eleksiyon para sa mga magiging miyembro ng kumbensiyong konstitusyonal.
Pagdating sa kanyang mga paniniwala at plataporma, naniniwala si Nebu na kinakailangang bigyan ng pokus ang pagpapa-unlad ng bansang Pilipinas sa pamamagitan ng mga istratehiya sa Ekonomiya, Teknolohiya at Seguridad.
Sa Ekonomiya, ang pagpapalakas ng mga produkto at serbisyo na “export-oriented.” Sa Teknolohiya ay pag bibigay ng tuon sa “semi-conductor and electronics industries.” Sa Seguridad naman ay ang pag papalakas ng “security alliances” at ng sandatahang lakas.
Ang mga ito aniya ay ang ilan lang sa mga hakbang upang hindi na kinakailangang umalis ng mga mamamayan at makipagsapalaran sa ibang bansa.
Sa usaping ekonomiya, naniniwala aniya siya na epektibong makakamit ng Pilipinas ang kaunlaran sa loob ng 15 taon kung pagtutuunan ng pansin ng Pamahalaan ang nasyunal na prayoridad nito sa ekonomiya, teknolohiya at seguridad ng bansa.
Dapat aniyang palakasin at linangin ang internasyunal na komersyo at kalakalan at foreign investment. Kinakailangan din aniyang gumawa at mag-export ng mga produkto at serbisyo imbis na mag-import.
Ikinumpara nito ang Pilipinas sa apat na bansa ng Asya, ang mga bansang Japan, South Korea, Singapore at Vietnam. Ibinahagi nito na mas maganda ang kalalagayan ng bansang Pilipinas kaysa sa mga nabanggit na bansa, 60 taon na ang nakalilipas.
Inuna at pokus aniya ng pamahalaan ng apat na bansa ang pagpapalakas at pagpapaunlad ng kanilang ekonomiya upang ang nakararami sa mga mamamayan ay magkaroon ng trabaho, hindi magutom at mabuhay ng matiwasay at masagana.
“Trabaho! Trabaho! Trabaho! Yan po ang ating kailangan, ang sigaw ng bayan!” Sambit ni Nebu. Hindi aniya kailangan ng tao ang awa, ang kailangan ng bawat mamamayan ay oportunidad, oportunidad na mabago at isulong ang buhay ng bawat indibidwal.
Sinabi pa nito na ang mga pangunahing kailangan lang ng tao ay tirahan, pagkain, at tubig. Sumunod na dito ang iba pang pangangailangan. Ngunit kung titingnan ang prayoridad ng gobyerno ay ang pagkaabala sa pulitika, pulitika ang naghahari, habang ang pag-unlad ng ekonomiya ay napapag-iwanan.
Ang pagkaabala aniya sa pulitika ay bunga ng kagustuhan ng kapangyarihan. Ito aniya ang kabaligtaran ng ginawa ng mga kalapit-bansa sa ASEAN. Pinaprayoridad nila ang kanilang diskarte sa pagpapayabong ng ekonomiya kaysa sa kanilang mga diskarte sa politika.
Kaya naman bilang aksyon sa mga nabanggit na sitwasyon sinabi ni Nebu na papangunahan niya at susuportahan ang mga batas sa mga programa ng gobyerno na tumutugon sa pagtaas ng foreign direct Investment (FDI) at ang rasyonalisasyon ng pagbabayad ng mga foreign debts.
Bukod pa dito ay ang pagbalanse sa foreign trade upang mabigyan ng pagkakataon ang mga lokal na manggagawa at producer ng mga produkto at serbisyo na makipagkumpitensya sa global market.
At dahil taun-taon aniyang hinahagupit ang bansa mga iba’t ibang natural na kalamidad na lubhang nakakaapekto sa sektor ng agrikultura, at dagat, plano nito na muling i-orient ang mga plano para sa pagmamanupaktura at ang export sector na makamit ng Pilipinas ang industriyalisadong katatayuan sa loob ng 15 taon.
Nais din nitong makapagtatag ng Economic Zones sa lahat ng rehiyon upang makasama ang Business Process Operations (BPO) na kinabibilangan ng espesyal na programang pang-teknikal na pagsasanay para sa mga out-of-school-youth at depressed areas.
Kung ang pag-uusapan naman aniya ang tungkol sa teknolohiya, sinabi ni Nebu na sa pangkalahatan, ang mga produktong teknolohiya ng bansa ay ang pinakamalaking eksport sa sektor ng pagmamanupaktura. Ngunit kailangan pa rin aniya itong patuloy na pagyabungin dahil ang iba pang mga produkto at serbisyo dito ay bukas pa rin para sa pag-unlad.
Dagdag pa ni Nebu, maaring ito na aniya ang sagot sa skilled at educated Overseas Filipino Workers labor force na maaaring magpasyang magtrabaho sa kani-kanilang tahanan.
Isa pa ang paglikha ng Cyber Czar Agency sa ilalim ng opisina ng Pangulo at ng National Security Council. Kabilang sa mga miyembro ang National Security Agency (NSA,) Department of National Defense (DND,) Department of Information and Communications Technology (DICT,) Department of the Interior and Local Government (DILG,) Department of Justice (DOJ,) at ang National Economic at Development Authority (NEDA). Ang bumuo ng isang task force na magpaplano, magmomonitor, at makikilahok sa proteksyon ng mga kritikal na impormasyon at imprastraktura ng komunikasyon upang matugunan ang mga mabibigat na suliranin.
Para naman sa seguridad, naniniwala aniya si Nebu na ang solusyon para umusad ang bansa at kinaailangang itanim muli sa isipan ng mga Pilipino ang pagkakaroon ng disiplina, kagandahang-asal, at katapangan.
Ang paglaban sa katiwalian, krimen, banta ng droga, at terorismo ay ang mga social-concerns na hindi lamang dapat ang gobyerno at administrasyon ang may responsibilidad. Ngunit sa kabila nito, tila inuuna ng bawat isa ang pagmamataas kaysa sa kritikal na pang-ekonomiya, at mga pangangailangan para sa kaligtasan ng estado.
Isang nakikitang solusyon ni Alejandrino sa mga nabanggit ay ang muling bisitahin ang lahat ng alyansa sa depensa at seguridad na nilagdaan ng bansa sa mga Estado at Internasyonal na Organisasyon. Palakasin ang Three Horizons Defense Programs ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines, gayundin ang anti-crime program ng Philippine National Police. Lumikha ng isang malakas na village peace-volunteers kabilang ang mga katutubong Pilipino.
Palakasin ang badyet ng programa ng depensa at militar na Self-Reliant Defense Posture (SRDP). Tugunan ang tunggalian sa Mindanao sa konteksto ng historikal, kultural, at Konstitusyonal na pananaw.
At bilang panghuli, gamitin ang “all of society-strategy” upang matugunan ang mga problema sa droga, kriminalidad, insurhensiya, at terorismo ng bansa.
Kasabay aniya ng mga diskarteng ito, ay ang multilateral na negosasyon sa lahat ng mga partidong sangkot sa mga hindi pagkakaunawaan sa Sabah, West Philippine Sea, at Philippine Rise. Ang Pilipinas ay may soberanya at may karapatan sa soberanya sa mga lugar na dapat ipagtanggol at protektahan ng mga makabayang Pilipino.
Ang pinaka-kritikal sa lahat ay ang usapang pulitika, pinaniniwalaan ni Nebu na kailangang i-update ang mga limitasyon at ang pagbabawal sa mga political Dynasty at Party List System. Ang Comelec aniya ay pagkakalooban ng karagdagang kapangyarihan upang tugunan ang mga paglabag sa mga batas sa halalan, at ang mga miyembro nito ay dadagdagan upang mabuo ng cross section ng lipunan na dapat na manatiling apolitical.
Sa pangkalahatan, ang nakikita ni Nebu na solusyon o indibidwal na kontribusyon sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa ay disiplina, respeto at patriotismo.
Naniniwala si Nebu na para makamit ng mga nasyunal at lokal na lider ang kredibilidad ay kinakailangan munang baguhin ang kanilang mga sarili at maging isang mabuting ehemplo sa bawat paglago ng kanilang impluwensya ay makakaapekto ito sa kapangyarihan.
Giit pa ni Nebu, ang suporta ng bawat mamamayan ay isang malaking patunay na ang salapi, daynastiya at makinaryang-politikal ay hindi kritikal para manalo sa halalan kundi ang magsilbi sa sariling bayan tungo sa kaunlaran.
No comments