by Dong de los Reyes August 6, 2022 Matt Erwin V. Florido (Photo from the Mayor FB) GENERAL LUNA, Quezon - Wala mang makitang nakatindig na ...
August 6, 2022
Matt Erwin V. Florido (Photo from the Mayor FB) |
GENERAL LUNA, Quezon - Wala mang makitang nakatindig na mga inprastruktura, mas mainam na masilayan ang ngiti ng pamumuhay na sagana at maginhawa sa taumbayan.
Payak na pakay ni Matt Erwin V. Florido, muling halal na punongbayan ng may 25,000 na taga-Gen. Luna, 4th class municipality sa baybayin ng Quezon sa bahagi ng Bondoc Peninsula na nakaharap sa pulong lalawigan ng Marinduque.
Hindi infrastructure development na marangya ang sukatan ng pagsulong ng bayang aba gaya ng Gen. Luna, na ang pangunahing kabuhayan ay sakahan at pangisdaan- ni hindi pa nga nilulusob ng mga dambuhalang malls, Jollibee, McDonald's o 7-11 convenience stores. Himbing sa hibo't mapaminsalang balahibo ng huwad na pag-unlad. Pero sa isang maralitang pamilya dito nagmula ang isang nagtapos na summa cum laude ng B.S. Physics sa U.P. Diliman.
Ang maipagmamalaki ng Gen. Luna: walang bahid na dungis o batik ng katiwalian sa mga salaping inilaan at ginugol nito sa samut-saring programa at proyekto.
Sinuyod, masinsinang sinuri ng Commission on Audit at nakitang pati pinakahuling sentimo't kusing ay ginugol para sa kapakanan ng sambayanan. Nakamit ang pinakamataas na antas sa local government unit na iginagawad ng COA.
Ani Florido: "Kapag hayag at bukas ang pamamahala, nakukuha ang tiwala ng taumbayan. Hindi lang sa salita, dapat nakikita sa gawa."
Kauna-unahan ito sa kasaysayan ng Gen. Luna na umani ng COA unqualified opinion- kahit pa inamin ni Florido na ang "mga proyekto namin, marami ang nag-akala na imposibleng mangyayari pero nagkaroon ng katuparan."
Proyektong Florido
'Makulit' o masigasig, masugid daw si Florido, nakakahawa ang maayang bukas ng mukha, laging may ngiti, nakatutok-todo sa pakisuyo't pakiusap at pag-amot ng pantustos na pondo para sa mga pambayang proyekto. Parang wala na lang ang sariling kapakanan, puro na lang para sa taumbayan.
Inaamin naman niya na maraming katuwang at katulong para ipatupad ang mga gawaing pambayan- patuloy ang konstruksiyon ng bagong Public Market ng Gen. Luna, naipaayos ang Bulwagang May Puso...
Inaamin din niya na wala naman talaga siyang ipinangako sa mga tao "noong maghain ng sarili sa bayan para maglingkod."
Pero nagsunod-sunod pa rin ang mga ipinapagawang proyekto. Under construction ang bagong municipio. Natapos ang pasyalang baywalk o paseo sa baybay ng Gen. Luna. Papatapoos na ang P100-M tulay sa Barangay Sumilang, patapos na rin ang isa pang P100-M tulay sa Sabang-Sta. Maria na naging bunga ng kanyang "pangungulit ng tulong" kay dating Quezon Rep. Aleta Suarez.
Umutang na rin sa Development Bank of the Philippines ng P8.4M upang maitindig ang Colegio de Gen. Luna; P6M para sa konstruksiyon ng gusali, P2.4M para makapaglatag ng kalsada patungo dito. Magbubukas ang Colegio sa Enero 2023.
Gumastos na rin ng P78M para makapaglatag ng mainam na kalsada patungo sa pangunahing pinupuntahan ng mga namamanata sa mga kanugnog na lalawigan, ang Divine Mercy Hermitage na may 50-talampakang rebulto ni Hesukristo at Birheng Maria. Ika-apat na pangunahing pinupuntahan ito sa lalawigang Quezon ng mga turista at sumasamba.
Natapos na rin ang kauna-unahang home for the aged ng Bondoc Peninsula. Ang Gen. Luna ang umakong tutustos sa mga gugulin nito bago isalin sa Divine Mercy Foundation ang pamamahala nito. At tuloy lang din ang subsidy ng lokal na pamahalaan maisalin man.
Para sa kinabukasan ng kabataan
Kasabihan nga na kung nais makinabang, magtanim ng palay para umani ng sapat santaon pero kung nais umani ng pakinabang sa higit 100 taon, maglaan ng puhunan sa pag-aaral ng kabataan.
Isinilang ang ganitong pangmatagalang adhikain matapos makahunta ni Florido ang isang ginang na may 12 anak. Kagsagan ng pandemya, at dagdag-puhunan sa mga munting kabuhayan ang naging gawain ng administrasyon "para kumakain nang tama sa oras ang bawat pamilya."
Naungkat niya kung may napagtapos sa kolehiyo alinman sa 12. Wala.
Iniluwal ang hangarin na "bawat tahanan, may nakatapos sa pag-aaral." Naging "Bayanihan para sa Kinabukasan ng Kabataan" na kauna-unahang sama-samang pagtulong sa pagpapaaral ng kabataan.
Lumahok dito si VP Leni Robrero, Rep, Aleta Suarez, pati na mga negosyanteng nilapitan ni Florido. 1% ng kanilang IRA ang ambag ng 27 barangay ng Gen. Luna, 10% IRA ng Sangguniang Kabataan, taun-taon ang ambag ng mga lokal na guro.
"Konti lang na ambagan pero kapag nagsama-sama na, malaki na ring halaga," ani Florido.
Mahigit 800 scholars ang nakikinabang sa programa, kabilang na ang 10 doctoral degree ang pinagsusunugan ng kilay (P10K na allowance bawat semestre), 53 magtatapos ng master's degree (P5K/semestre). May gantimpala ring P1K sa mga mataas ang grado.
Nakahanda na rin ang kasunod na yugto nito, "Pangarap Ko Sagot ng Bayan Ko" na palalawakin ang programa, kasama na ang mga kukuha ng kaalaman sa TESDA. Kasama pati mga out-of-school youth, "From Tambay to Tagumpay."
Naisingit pa ang paglagda niya ng memorandum of understanding sa Pag-IBIG at Social Housing Finance Corporation para pasimulan ang socialized housing sa Gen. Luna.
At sisimulan na rin sa Setyembre ang operasyon ng processing center para sa sakdal-tamis na pinya ng bayan.
"Ang mahalaga, ibinibigay natin ang oportunidad. Wala mang makitang malalaking infra pero maalwan ang buhay ng tao. Nabubuhay sila nang marangal. 'Yun din ang aking pangarap," aniya.
No comments