By Rachel Joy C. Gabrido (Larawan mula sa: NEDA 4A) STA. CRUZ, Laguna - Bilang pagsuporta sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kas...
(Larawan mula sa: NEDA 4A) |
STA. CRUZ, Laguna - Bilang pagsuporta sa pagsusulong ng pagkakapantay-pantay ng kasarian o tinatawag na gender sensitivity at equality sa rehiyong CALABARZON, nakiisa ang Department of Science and Technology (DOST)-CALABARZON sa ginanap na Regional Women’s Month Celebration sa Kapitolyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa bayan ng Sta.Cruz noong Biyernes, Marso 31, 2023.
Ayon kay DOST-CALABARZON Assistant Regional Director (ARD) for Finance and Administrative Services Lyn Fernandez na nagsilbing tagapagsalita sa naturang aktibidad, ang sektor ng siyensiya ay isang magandang halimbawa kung saan hindi batayan ang kasarian sa trabaho sa kasalukuyan.
Sinabi pa ni ARD Fernandez na ang husay at kaalaman ang pamantayan at binibigyang halaga sa larangan ng siyensiya. Aniya mapalad siyang hindi nakaranas ng anumang diskriminasyon o kaya naman ay pagsubok batay sa kasarian o pagiging babae niya sa ilang taon niyang paglilingkod sa DOST. Ganunpaman, binigyang-diin niyang ang buong DOST ay kaisa sa pagsusulong ng Gender and Development o GAD na kinikilala ang mga kontribusyon at karapatan ng mga kababaihan mula noon hanggang ngayon.
Ipinahayag naman ni NEDA Region IV-A Asst. Dir. Carmel P. Mataban na patuloy ang Regional Development Council o RDC sa paglaban para sa karapatan ng mga Kababaihan.
Ipinaliwanag niya na ang RDC, kung saan kasapi rin ang DOST-CALABARZON, ay nakatukoy ng ilang isyung pangkababaihan, kabilang na ang tumataas na bilang ng mga bagong kaso ng HIV kung saan ang CALABARZON ay ikalawa sa buong bansa, kasunod ng National Capital Region (NCR); pagtaas ng bilang ng mga nabubuntis sa edad na 10 hanggang 19 na taong gulang; dumaraming kaso ng karahasan laban sa mga kababaihan at kabataan kabilang na ang mga kababaihang kasama sa mga distressed overseas worker; maging ang patuloy na kahirapan ‘di lamang sa rehiyon kundi sa buong bansa.
Nabanggit rin niyang inaprubahan na kamakailan ng konseho ang Regional Development Plan na tumukoy naman ng mga estratehiya kung paano matutugunan ang mga nasabing isyu. Kabilang dito ang research and development, edukasyon partikular para sa mga kababaihan, literasiyang pangkalusugan, at mahigpit na implementasyon ng mga batas na nagbibigay-proteksiyon sa mga kababaihan.
Sa parehong programa, nagbahagi ng kani-kanilang karanasan sina Laguna District 2 Representative Ruth Mariano-Hernandez, Dr. Patricia Sanchez ng UP Los Banos, Ms. Leonie Reyes ng Natures Dew Enterprise, at Dr. Eden C. Callo ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) sa pagkamit ng pagkakapantay ng kasarian at inklusibong komunidad sa larangan ng pamumuno, akademya, at pagnenegosyo.
Binganggit naman ni Regional Gender and Development Council (RGADC) Co-Chairperson Josephine Parilla mula sa Pambansang Tagapag-ugnay ng mga Manggagawa sa Bahay-Workers in the Informal Sector Enterprise (PATAMABA-WISE) na ang RDC at lahat ng kasapi nito ay patuloy na magsisilbing ilaw, boses, at tagapagsulong ng proteksiyon para sa mga kababaihan.
Aniya, bagaman hindi umaayon ang mundo sa adbokasiyang ito sa lahat nang pagkakataon ay hindi ito hadlang sa patuloy na paglaban nila sa anumang diskriminasyon at di pagkakapantay-pantay.
Nagkakaisa ang DOST-CALABARZON at lahat ng miyembro ng RDC CALABARZON sa pagpapakilala at pagsusulong sa kagalingang pangkababaihan o women empowerment, maging sa kanilang kontribusyon sa lahat ng sektor sa rehiyon at buong bansa. (Impormasyon mula sa: https://region4a.dost.gov.ph/news/1533-dost-calabarzon-unites-with-regional-agencies-to-further-support-gender-equality-in-calabarzon)
No comments